GUIGUINTO, Bulacan — Mas marami pang Bulakenyo ang inaasahang tatanggap ng tulong medikal dahil pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go, chair ng Senate Committee on Health and Demography, ang inagurasyon kamakailan ng Super Health Center sa Masagana Subd., Brgy. Sta. Rita, dito sa nabanggit na bayan.
Kaakibat ni Go sina 5th District Rep. Ambrosio Cruz Jr., Guiguinto Mayor Paula Agatha Cruz at aktor Philip Salvador, na tumatakbong senador sa darating na midterm election.
Sinabi ni Go na ito ang ika-10 SHC sa Bulacan at marami pa ang nakatakdang magbukas sa mga bayan ng San Ildefonso, San Rafael, Santa Maria at Obando.
Ayon kay Go, ang mga serbisyong ibibigay ng nasabing super health center ay kinabibilangan ng database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray, ultrasound), pharmacy, at ambulatory surgical unit.
Ang iba pang serbisyo doon ay ang eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy and rehabilitation center; at telemedicine kung saan maisasagawa ang remote diagnosis at treatment ng mga pasyente.
“Eventually, maaari ding magkaroon ng dialysis center dito o makipag-tie up sila sa ibang dialysis center,” dagdag pa ni Go.
Dagdag pa ng senador na ang mga SHC ay maaari ding gamitin bilang satellite vaccination sites para sa mga Filipino na nakatira malayo sa mga urban centers. Makakatulong ito para ma-decongest ang ibang mga ospital,” ani Go.
“Ito ay isang katamtamang uri ng polyclinic na naglalapit sa mga serbisyong medikal sa komunidad upang hindi na sila maglakbay sa malalayong ospital. Sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap, ang DoH at mga kapwa mambabatas, may sapat na pondong inilaan para sa pagtatatag ng higit sa 600 Health Center sa buong bansa.”
Matapos ang pagpapasinaya, pumunta ang ang buong grupo ni Sen. Go sa Guiguinto Municipal Gym upang mamigay ng tulong pinansyal at food packs sa mga mahihirap na benepisyaryo.
Nagpasalamat naman sina Cong. Cruz at Mayor Cruz kay Go sa walang humpay na suporta nito sa mga taga-Guiguinto. (UnliNews Online)