Tuesday, February 4, 2025
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNewsPRO3, nasakote ang 4 na miyembro ng organized crime group

PRO3, nasakote ang 4 na miyembro ng organized crime group

CAMP OLIVAS, Pampanga — Matapos maglabas ng “marching order” si Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Juanito Victor Remulla sa kapulisan ng Gitnang Luzon na buwagin at hulihin ang lahat ng leader at miyembro ng gun for hire kabilang na ang mga organized syndicate at private armed groups sa buong rehiyon, agad na tumalima ang Police Regional Office 3 at apat na hinihinalang miyembro ng organized crime group ang naaresto matapos pagnakawan ang isang convenience store sa Brgy. Consuelo, Floridablanca, Pampanga.

Kinilala ang mga suspek bilang sina Tristan Awa Bestoguey, Tom Contade Nadnaden, Harold Bangloy Saqueb at Daniel Dave Tolingan Egsaen, mga walang trabaho at residente ng Lungsod ng Baguio at Mountain Province. Nahuli sila matapos ang mabilis na pagresponde ng mga pulis ng Floridablanca Municipal Police Station.

ANG mga baril, bala at ibang kagamitan na ginamit ng group sa pagnanakaw at isang puting Toyota Fortuner (plate number CCL8293) na kinilala bilang kanilang getaway vehicle ang narekober ng mga pulis sa mga suspek. (PRO3)

Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang pagnanakaw bandang alas-10:30 ng umaga noong Linggo (Oct. 20) nang makatanggap ang Floridablanca MPS ng tawag sa nasabing tindahan batay na rin sa monitored security system nito. Agad na rumesponde ang mga awtoridad at naaresto si Tristan Bestoguey sa pinangyarihan ng insidente habang ang tatlo niyang kasamahan ay nakatakas. Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation, at nahuli ang natitirang mga suspek sa Porac, Pampanga.

Narekober mula sa mga suspek ang isang .45 caliber handgun na may limang bala, isang .38 caliber handgun na may tatlong bala, apat na granada, Php 90,000 na cash, iba’t ibang grocery items, mga kagamitan na ginagamit para sa mabibigat na trabaho (heavy equipment tools) at isang puting Toyota Fortuner (plate number CCL8293) na kinilala bilang kanilang getaway vehicle.

Sa karagdagang imbestigasyon, natukoy na sangkot din ang mga suspek sa mga nagdaang pagnanakaw sa parehong mga sangay ng convenience store sa Aliaga at San Jose City, Nueva Ecija. Ang kanilang pagkakasangkot sa mga krimen na ito ay nagpapakita ng isang ‘pattern’ ng mga magkakaugnay na kriminal na mga gawain sa iba’t ibang lugar.

Pinuri ni Brig. Gen. Redrico A. Maranan, Regional Director ng PRO3, ang mabilis at tiyak na aksyon ng nagrespondeng mga pulis ng Floridablanca MPS at ng iba pang yunit na nakibahagi sa operasyon.

“Nakahanda kaming tuparin ang aming misyon na buwagin ang mga pribadong armadong grupo at mapanatili ang kapayapaan sa Gitnang Luzon. Ang suporta at paggabay mula sa aming mga pinuno ay lalong nagpapatibay sa aming hangarin na maglingkod at protektahan ang mamamayan. Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng dedikasyon at kahandaan ng ating mga pulis na protektahan ang komunidad laban sa mga kawatan at criminal gangs. Patuloy kaming magbabantay at magiging maagap sa aming mga hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon,” ayon Maranan.

Ang mga naarestong indibidwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga pulis at sasampahan ng kasong pagnanakaw at iligal na pagmamay-ari ng mga baril at pampasabog.

Patuloy pa rin ang ginagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad sa lawak ng kriminal na gawain ng mga suspek at para din matukoy ang kanilang lider at iba pa nilang mga kasama sapagkat ang mga organized crime groups na ito ay maaari ring magamit sa paghahasik ng kaguluhan sa buong rehiyon dahil marami na silang kinasangkutang panloloob at pagnanakaw sa ibat ibang probinsya. (UnliNews Online)

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments