LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Nasamsam ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP DEG) sa magkasunod na drug operation sa bayan ng Marilao at Balagtas ang humigit-kumulang P46.5 milyon halaga ng high-grade marijuana noong Sabado ng hapon (Oct. 26).
Base sa ulat kay Brig. Gen. Eleazar Matta, chief ng PNP DEG, unang isinagawa ng kanyang mga operatiba ang buy-bust operation sa Marilao bandang ala-1:10 ng hapon kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at local police sa Barangay Patubig, Marilao na nagresulta sa pagkaka-aresto sa isang 43 anyos na lalaki.
Nasamsam sa suspek ang 38 piraso ng heat-sealed transparent plastic packs na may lamang hinihinalang dahon ng pinatuyong high-grade marijuana na may timbang na 19 kilo at may kaukulang halaga na 28,500,000 at mga non-drug evidences.
Samantala, bandang alas-3:15 noong Sabado, isa uling buy-bust operation ang inilatag ng mga operatiba ng PNP DEG kasama ang PDEA at Balagtas police sa Northville 6 . Brgy. Santol. Balagtas.
Ang nabanggit na operation ay nagresulta sa pagkakasakote ng isang 40-anyos na lalaki at nasamsam dito ang 24 pirasong heat-sealed transparent plastic packs may lamang hinihinalang dahon ng pinatuyong high-grade marijuana na may timbang na 12 kilo at may estimated na halagang P18,000,000 at mga non-drug evidences.
Pinuri ni PBGen Matta ang dedikasyon ng mga operating unit, na nagsasaad, “Ang pinakahuling buy-bust operation ng aming team ay isang tagumpay, na nagresulta sa pagkakahuli ng pangunahing suspek sa droga at ang pag-alis ng mga iligal na droga sa mga lansangan. Ang mga pagkilos na ito ay nagpapakita ng aming hindi natitinag na pangako sa pagpapabuti ng kaligtasan ng komunidad.”
“Ang tagumpay na ito ay hindi lamang nakakaapekto sa kalakalan ng droga ngunit nag-aambag din sa isang mas ligtas at malusog na komunidad. Patuloy naming susubaybayan at tutugunan ang ganitong uri ng ilegal na kalakalan,” dagdag pa ni Matta.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Marilao at Balagtas Municipal Police Stations ang mga naarestong indibidwal, habang ang ebidensyang hindi droga ay hawak ng PND DEG, SOU 3, para sa tamang disposisyon.
Dagdag pa rito, ang mga nakumpiskang drug evidence ay ililipat sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination. (UnliNews Online)