Feature Article Ni Manny C. Dela Cruz
TAUN-TAON tuwing sumasapit ang ika-1 ng Nobyembre ang mga sambahayang Katoliko ay dumadako sa mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay upang mag-alay ng sariwang bulaklak at magtulos ng kandila sa paanan ng mga puntod ng kanilang mga kaanak na yumao.
Ang kaugaliang ito ay nakagisnan na natin sa panahong ito dahil ang kostumbreng ito ay naipamana ng mga matatanda sa mga salinlahi. Kung ano ang ginagawa nila noon ay iyon din ang ginagawa ng mga Katoliko tuwing araw ng Undas o Araw ng mga Patay. Pero sa modernong panahon, moderno na rin ang paggunita sa Todos Los Santos.
Noong unang panahon, sinabi ng mga matatanda noon na nag-aalay sila ng bulaklak sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay subalit ang bulaklak na kanilang iniaalay ay pinitas lang nila sa kanilang mga bakuran tulad bulaklak ng amarillo, bulaklak ng palong-palongan, bulaklak ng camia, bulaklak ng santan at iba pa.
Napaka-solemn ng paggunita ng mga sinaunang Pinoy sa kanilang mga mahal sa buhay na yumao. Talagang ninanamnam nila ang kasagraduhan ng Araw ng mga Patay at ibinabalik sa kanilang mga alaala ang masasayang mga araw noong kapiling pa nila sa lupa ang kanilang mga yumaong kaanak. Naniniwala sila na bumabalik sa lupa ang kuluwa ng mga patay upang samyoin ang alay nilang mga mababan gong bulaklak maging ang mga lutong pagkain na paborito ng mga yumao noong nabubuhay pa sila.
Pinagsasama-sama nila ang iba’t ibang klase ng mga katutubong bulaklak pati ang mga tangkay o kaya naman ay itinutusok sa pinutol na katawan ng puno ng sanging. Palibhasa ay kakaunti pa ang mga nitso sa sementeryo halimbawa noong dekada 60/70 at dahil may mga semeteryo noon na hindi pa naaabot ng elektripikasyon, hindi na nagpapaabot ng hatinggabi ang mga umuundas. Mag-uuwian na sila bitbit ang mga bangko at silya na kanilang ginamit sa maghapong pagbabantay sa mga puntod.
Ang kaibahan lang ng selebrasyon ng Undas sa kasalukuyan ay masyado ng moderno. Dahil Internet era na ngayon, ang mga kabataang umuundas ay nakatutok lahat sa kanilang mga cellphone. Naroong naglalaro ng online games tulad ng Mobile Legend, Roblox at iba pa. Wala na sa kanila ang diwa ng Undas. Wala na ang solemnnity ng okasyon.
Ang magagarang mosuleo ng mga mayayaman ay naiilawan ng magagandang bumbilya. Pawang magagandang bouquet ng mga Bulaklak ang kanilang iniaalay sa kanilang mga patay. Doon sa loob ng musoleo ay mayroong silid upang kung nais nila na magpalipas ng magdamag.
Ang mga mahihirap namang mga pamilya ay matiyagang nagbabantay at nagtutulos ng kandila sa mga patong-patong na puntod o apartment type na libingan. Mainit ang kalagayan ng mga umuundas sa apartment type na libingan. Bukod sa mainit ay masisikip pa ang mga espasyo.
Mayroon din namang nag-uundas sa mga memorial park. Doon ay naglalatag sila ng sapin at doon na rin nagsasalo-salo sa pagkain. Ang mga kandila nilang dala ay nakalagay sa basong bote at inilalagay sa unahan ng lapida ang alay na mga bulaklak. Pagaraan ng pumpon ng mga bulaklak sa memorial park. Talagang fresh from Dangwa sa Manila.
Malaki ang pagkakaiba ng Undas noon at Undas ngayon dahil may garbo at tila masayang selebrasyon sa sementeryo ang dinadaluhan tuwing Undas ng mga makabagong Pinoy. Ang kaibahan ng Undas noon ay mataimtim (solemnnity) ang paggunita ng mga sinaunang pamilyang Pilipino sa Araw ng mga Patay. (UnliNews Online)