SA araw-araw na ginawa ng Diyos ay walang tigil sa paggawa ang mga trabahador sa construction sa mga pagawaing bayan sa kalsada. Kabi-kabila ang mga proyektong imprastraktura ng gobyerno. Nariyan ang road construction projects at marami pang ibang pagawain na pinangangasiwaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Huwag na tayong lumayo ng lugar. Doon sa Plaridel-Malolos Road ay kasalukuyang ginagawa ang drainage canal sa kahabaan ng magkabilang bahagi ng nasabing kalsada. Mahaba-haba na rin naman ang natapos sa nasabing pagawain na marahil ay bahagi ng flood control project ng pamahalaan.
Sa dinami-dami ng mga proyektong panlaban sa baha ng gobyerno na naipatapos na ay hindi pa rin nalulunasan ang problema sa baha sa Bulacan lalo na sa coastal towns ng lalawigan. Kaya sa tuwing dinadalaw ng bagyo ang Bulacan ay baha na ang kasunod niyon kaya ang mga bayan sa Bulacan na palaging binabaha kapag may high tide ay lalong lumalaki ang kanilang problema kapag nagkasalubong ang baha at ang high tide.
Iyan ang malaking problema ng pamilya ng aking kumpare Omar Padilla, kasalukuyang pangulo ng Bulacan Press Club at kumareng Evelyn iyang baha at high tide. Ang mga sasakyan nila ay natetengga lang sa kanilang garahe kapag malalim ang tubig sa kalsada sa Panginay, Balagtas, Bulacan.
Kaya kahit anong pagpapabuti sa mga drainage canal ang gawin ay nawawalan silbi ang mga iyon kapag dumating ang kalamidad. Kaya ang walang kamatayang kwento ng bagyo, baha at ayuda ay magkakaakibat. Naging kalakaran na sa tuwing may binabahang lugar. Sa tuwinang naaapektuhan ng bagyo at baha ang maraming lugar sa Bulacan ay kasunod naman ang ayuda.
Iyan namang pamamahagi ng relief goods sa mga biktima ng baha ay palagian na iyan. Hindi lang naman ang mga nabaha ang binibigyan ng food packs kungdi maging ang mga residenteng nangangailangan ng pagkain. Tungkulin naman ng lokal na pamahalaan na magpamahagi ng food packs sa panahon ng kalamidad. Lamang, hindi dapat na hinahaluan ng pulitika ang gawaing pangkawanggawa. Pera ng bayan ang ginagamit sa relief operations.
Hindi man tayo direktang dinaanan ng bagyong Kristine, hinatak naman niya ang habagat na nagpaulan sa malaking bahagi ng Central Luzon kasama na ang Bulacan kaya ang mga lugar sa ating lalawigan na palaging nakakaranas ng pagbaha ay muli na namang nakaranas ng baha kaya iyang kwentong baha ay paulit-ulit na lang.
Datirati kasi ay maraming bakanteng lugar saanmang bayan sa Bulacan. Malawak pa ang mga bukirin noon kaya ang mga bakanteng lupa ang nagsisilbing catch basin ng tubig ulan kaya may dinadaluyan ang tubig. Pero ngayong tinayuan na ng mga bahay at gusali ang mga bakanteng lupa ay wala ng napupuntahan ang tubig kaya sa kalsada pumupunta ang tubig-ulan at kapag napuno ang nga drainage canal ay tiyak na ang pagbaha. (UnliNews Online)