PINANGUNAHAN ni Mayor Enrico Roque at Vice Mayor Lui Sebastian at ng Sangguniang Bayan ang ground breaking ceremony ng itatayong bagong municipal hall ng Bayan ng Pandi noong Friday (Nov. 8).
Ang naturang okasyon ay dinaluhan ito nina Gobernador Daniel R. Fernando, Vice Gob. Alexis G. Castro, Board Members Ricky Roque, Cesar Mendoza, Guiguinto Mayor Atty, Agay Cruz, Bocaue Vice Mayor Sherwin Tugna District Engineer Henry Alcantara ng Bulacan 1st District Engineering Office at mga opisyales at kawani ng Munisipalidad ng Pandi.
Ang naturang bagong munisipyo ay tatlong palapag na gusali na magkakaroon ng kabuuang 8,553 square meters na floor area at itatayo sa sa 1.5 hektaryang lupa na pag-aari ng Munisipalidad ng Pandi.
Ito na ang magsisilbing sentro ng mga serbisyo publiko at magpapabuti sa pamamahagi ng mga serbisyong pang-komunidad para sa mga residente ng naturang bayan.
Labis ang pasasalamat ni Pandi Mayor Enrico Roque sa bawat Pandieño na patuloy na naniniwala sa kanya at sa kanyang mga kasama sa Team Sipag at Talino.
Sa kanyang talumpati, masayang binalikan ng alkalde ang mga panahon na nag-uumpisa pa lamang sila, hindi biro ang kanilang pinagdaan upang maisakatuparan ito at noon ay isa lamang pangarap.
Ngayon ay matutupad na ang pangarap na matagal nang hinintay ng mga Pandieño. Ang isang legasiyang tatatak sa bawat mamamayan ng Pandi mula sa inisyatibo at pagsisikap ni Mayor Roque.
“Layunin ng nasabing proyekto na mas mapabuti ang kalidad ng mga serbisyong pampubliko at mapabilis ang mga proseso para sa mga mamamayan at mga Pandieño,” dagdag pa ni Roque.
Lubos ang pasasalamat ni Mayor Roque sa mga taong naging instrumento upang maitayo ang bagong municipal hall. Mga taong hindi nagkait ng panahon para sa suportahan ang matagal na niyang pangarap at minimithi ng mga Pandieño.
“Salamat ng marami kay Senador Joel Villanueva, sa kanyang suportang pinansiyal, at lay Gob. Daniel Fernando dahil sa kanyang patnubay at walang sawang pagsuporta sa inyong lingkod. Sa mga opisyales ng DPWH at kay DE Alcantara. Sa buong suporta ng Team Sipag at Talino sa pangunguna ni Vice Mayor Sebastian at mga Konsehal ng bayan ng Pandi na sina Kon. Jonjon Roxas, Kon. Monette Jimenez, Kon. Danny Del Rosario, Kon. Potpot Santos, Kon. Vic Concepcion, Kon. Nonie Sta. Ana, Sec. Arman Concepcion at Dok. Noel Esteban, at sa designer ng ating munisipyo. Kung hindi sa mga taong ito ay hindi tayo magkakaroon ng modernong bahay pamahalaan,” ani Roque.
Dagdag pa ng alkalde, “at higit sa lahat sa mga Pandieño na nagbigay ng suporta, pang-unawa sa inyong lingkod, maraming, maraming salamat.”
Sa kabilang banda, sa kanyang naging pahayag ay binati ni Gob. Fernando si Mayor Rico dahil sa kanyang inisyatibo at pagsisikap na magkaroon ng moderno, malaki at bagong munisipyo ang Bayan ng Pandi.
“Hindi nasayang ang panahon at pagod mo Mayor Rico. Dahil sa iyong pagpupunyagi kasama ang bise alkalde at Sangguniang Bayan, matutupad na ang inyong pangarap na hindi na mabubura pa sa kasaysayan at sa isipan ng mamamayan ng Pandi,” ani Gob. Fernando.
Ang bagong municipal hall ay itatayo sa Baranggay Poblacion upang mas mapadali ang pag-access ng mga tao mula sa iba’t ibang barangay. (UnliNews Online)