CAMP OLIVAS, Pampanga — Isang anti-drug operation ang nauwi sa engkwentro sa pagitan ng mga operatiba ng Meycauayan City Police at dalawang hinihinalang myembro ng lokal na sindikato ng iligal na droga na nagresulta sa pagkumpiska ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P5,440,000 at isang automatic 9mm Rifle (Uzi) na may mga bala at magasin nitong Sunday ng umaga (Nov. 17).
Batay sa ulat, habang nagsasagawa ng casing at surveillance operation ang mga operatiba ng Special Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Meycauayan City Police Station sa Barangay Pandayan, Meycauayan City laban sa mga suspek na kinilalang sina alias “Dan” at alias “Analyn” ay biglang pinaputukan ni “Dan” ang mga otoridad na sakay ng isang pribadong sasakyan.
Rumesbak ng putok ang mga pulis, at sa kabila ng tangkang pagtakas ng mga suspek, sila ay agad na nahabol at naaresto. Kapwa nagtamo ng tama ng bala ang dalawang suspek samantalang nasugatan din si P/Capt. Jocel Calvario , Chief ng Intelligence at Drug Enforcement Unit, sa kaliwang binti.
Agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital ang lahat ng mga nasugatan at mabilis ding nagtungo ang Provincial Forensic Unit sa pinangyarihan ng insidente upang tiyaking maayos ang imbestigasyon at pagproseso sa crime scene.
Sa pahayag ni Brig. Gen. Redrico A. Maranan, PRO3 regional director, binigyang-diin niya ang dedikasyon at tapang ng mga operatiba ng Meycauayan City Police Station sa kanilang laban kontra droga.
Aniya, “Pinupuri ko ang kahusayan at tapang ng ating kapulisan sa Meycauayan City Police Station, partikular ang kanilang Special Drug Enforcement Unit, para sa matagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga. Ang ating kampanya laban sa ilegal na droga ay hindi lamang tungkol sa pag-aresto kundi sa layuning maibalik ang katiwasayan at kaligtasan ng ating mga komunidad. Patuloy ang ating pagsisikap na supilin ang ilegal na droga at bigyang hustisya ang mga biktima nito.” (UnliNews Online)