LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang distribusyon ng iba’t ibang programa para sa mga magsasaka sa Nueva Ecija.
Ayon sa Pangulo, hangad nito na pag-ibayuhin ang kalagayan ng mga magsasaka at buong sektor ng agrikultura sa lalawigan at sa rehiyon.
Sa Nueva Ecija lamang aniya ay mayroong humigit 134,000 magsasaka na nagsisikap araw-araw upang masigurong mayroong naihahain at sapat na pagkain ang bawat pamilyang Pilipino.
Kabilang sa mga nakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan ang mga magsisibuyas ng Calancuasan Sur Farmers Association at San Vicente Alintutuan Irrigators Association na parehong pinagkalooban ng 20,000 bags capacity onion cold storage facility na nagkakahalaga ng tig-40 milyong piso.
Bukod pa rito ang 120,000 bags capacity onion cold storage na iginawad ng Department of Agriculture o DA sa pamahalaang bayan ng Bongabon at pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija na nagkakahalaga pareho ng humigit kumulang tig-210 milyong piso mula sa Philippine Rural Development Project.
Personal ding iniabot ni Marcos ang sertipikong nagkakahalaga ng limang milyong piso sa Makabagong Magsasaka Multipurpose Cooperative para sa pagpapatayo ng warehouse na may kasamang mechanical grain dryer.
Nasa 2.4 milyong pisong tulong pinansiyal naman ang ipinagkaloob ng DA sa mga magsasaka ng New Magilas Primary Cooperative mula sa bayan ng Bongabon sa ilalim ng Enhanced KADIWA Financial Grant Assistance Program.
Hangad din ng pamahalaan na muling maibangon ang kabuhayan ng mga hog raisers sa pamamagitan ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion o INSPIRE Program na kung saan nakatanggap ng 5.5-milyong pisong ayuda ang Try Me Agriculture Cooperative mula sa lungsod agham ng Muñoz.
Personal ding ipinagkaloob ng Pangulo ang tulong na 6.06 milyong piso para sa rehabilitasyon ng San Andres Small Water Impounding Project.
Iba’t ibang makinaryang pangsaka naman ang ipinagkaloob ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund Mechanization Program para sa mga magsasaka ng Santor Bongabon Agriculture Cooperative, Sanjosapma Pumping Irrigators Association, Inc. at Network of Responsible Citizens of Muñoz Agriculture Cooperative na nagkakahalaga ng kabuuang 15.97 milyong piso.
Kaugnay nito ay ipinaaabot ni Pangulong Marcos ang taos pusong pasasalamat sa lahat ng mga pagsusumikap at malaking kontribusyon ng mga magsasaka sa agrikultura ng bansa.
Asahan aniya na bilang Pangulo ay laging susuportahan ng kasalukuyang administrasyon ang sektor ng agrikultura.
Idinaos ang pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka sa headquarters ng PhilMech.
Source: PIA 3