Feature Article
Ni Manny C. Dela Cruz
KAMAKAILAN lang ay isinagawa ang ground breaking ceremony ng itatayong water system supply project sa barangay Bigte, sa bayan ng Norzagaray, sa lalawigan ng Bulacan kung saan ay pinangunahan ni 6th District Cogressman Salvador A. Pleyto, ang nasabing seremonya kasama sina Mayor Ma. Elena L. Germar, Vice Mayor Patricio I. Gener, mga miyembro ng sangguniang bayan ng Norzagaray, mga opisyales ng MWSS at DPWH. Samantala si Undersecretary Roberto Bernardo ng DPWH ang panauhing tagapagsalita sa seremonya na dinaluhan din nina DPWH Region 3 Director Roseller Tolentino, Assistant Regional Director Mel Sto. Domingo, MWSS Administrator Leonor Cleofas.
Ayon kay Cong. Pleyto, napag-usapan nila ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., ang barangay San Mateo sa Norzagaray, kung saan naroon ang reservoir ng Ipo Dam. Nabanggit umano ni Pleyto kay Pangulong Marcos na sa kabila ng yamang-tubig ng San Mateo at ng kanugnog nitong Barangay Bigte ay naghihirap umano ang mga residente doon sa potable water kabilang na ang mga katutubong Dumagat.
Bago simulan ang seremonya ay nagkaroon muna ng video pesentation kung saan ay ipinakita roon ang kalagayan ng mga mamamayang naninirahan di-kalayuan sa Ipo Dam na dumadanas ng kalbaryo sa kakapusan ng tubig at ang katuparan ng pangarap na water system supply project na pinagsikapan ni Kinatawan Ador Pleyto. Hindi napigilan ng mambabatas ang mapaluha habang pinanonood ang video presentation.
Bumibili pa umanong tubig ang mga residente sa halagang 60 piso kada drum ng tubig at kug walang pambili ay sumasalok sila ng tubig sa bukal ng bundok at bumababa sa ilog para mang-igib ng tubig na pangluto, panglaba at pampaligo. Ang gayong kalakaran ay umabot na ng mahigit walumpung taon mula ng magkaroon ng komunidad sa nasabing mga lugar.
Dahil doon kaagad manong umaksyon ang national government at sa pamamagitan ni Pleyto ay naaprubahan ang disenyo ng proyekto sa tulong ni Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan hanggang sa ito ay napandohan ng 150 miyong piso mula sa pambansang badyet at sa compound ng Manila Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa barangay Bigte ay doon itatayo ang proyekto.
Kasama sa proyekto ang pagtatayo ng water supply treatment facility paglalatag ng water pipe at pagtatayo ng apat na malalaking tangke na pag-iipunan ng potable water sa barangay San Mateo at barangay Bigte. Mula sa mga pasilidad na ito manggagaling ang malinis na inuming tubig na isisilbi sa mga residente ng Bigte at San Mateo
Ayon naman kay DPWH Bulacan 2nd District Engineering Office George DC. Santos, na kapag nakumpleto anya ang nasabing proyekto ay aabot sa mahigit 3,000 residente sa nasabing mga barangay ang mabebenepisyohan ng malinis na tubig. “Hindi na sila bibili ng rasyong tubig at hindi na rin sila iigib ng tubig sa ilog.” Ayon kay Santos. Sisimulan umano ngayong Disyembre 2024 ang proyekto at tatapusin ito sa loob ng 18 buwan.
Ang Ipo Dam, ay hindi ang Angat Dam, tulad ng inaakala ng nakararaming Bulakenyo na hindi pa nakaaalam kung bakit mayrong Ipo Dam, samantalang mayroon naman Angat Dam, na siyang imbakan ng tubig na nagmumula sa mga kabundukang sakop ng Sierra Madre. Sa Ipo Dam din naganap ang limang araw na madugong labanan ng allied forces laban sa mga sundalong Hapon. Ang mga gerilyang Pilipino umano ang dahilan ng pagkagapi ng mga kawal Hapones noong May 17, 1945 ayon sa nasulat na kasaysayan.
Ayon pa sa mga istoryang nasulat, unang itinayo ang Ipo Dam noong 1935 at binuksan noong 1938 Bahagi ito ng Angat-Ipo-La Mesa water system. Ang dam na ito ay pinabuti ang kalagayan sa panahon ng rehimeng Marcos at muling binuksan noong 1984 at mula sa Angat Dam, ay dumadaloy pababa ang tubig nito patungo ng Ipo Dam, samantalang ang Angat Dam naman ay itinayo noong 1961 at natapos noong 1965. Mula naman sa Ipo Dam, mayroon itong ilog at malalaking tunnel patungo naman sa La Mesa Dam na siya namang pinagkukunan ng tubig ng mga residente ng Metro Manila. (UnliNews Online)