Ni Manny C. Dela Cruz
PLARIDEL, Bulacan — Muli namang nambiktima ang mga kilabot na motornapper sa bayan ng Plaridel at marahas na inagaw ang motorsiklo ng isang motorcycle rider sa Patubig (NIA) Road kamakailan.
Napag-alaman kay dating barangay Kagawad Arsenio “Enyong” Vinta, naninirahan sa barangay Sipat, sakop ng nasabing bayan na ang kanyang anak na si Joshua Vinta, nasa hustong gulang ang naagawan ng Yamaha Aerox 155 motorcycle nitong madaling-araw ng November 27, 2024
Napag-alaman na pauwi na umano si Joshua makaraang ihatid ang kanyang pamangking estudyante dahil may retreat ang kanilang school sa barangay Poblacion, Plaridel. Bandang 3:25 umano ng umaga habang nasa tapat umano ng Plaridel gym si Joshua ay napansin niya may mga nakamotorsiklo na nakasunod sa kanya. Inakala naman umano ng biktima na papauwi lang din ang mga rider na bumubuntot sa kanya.
Pagsapit umano niya sa kanto ng Patubig (NIA) Road sa barangay Agnaya ay lumiko na siya pakanan ang direksiyon na pauwi sa barangay Sipat. Sumunod din umano sa kanya ang mga rider. Pagsapit umano niya sa Patubig Road na sakop ng Barangay Lumamg Bayan ay tinapatan umano siya ng mga motorcycle rider at pilit siyang pinahinto.
Pagkahinto umano ng kanyang motorsiklo ay tinutukan siya ng baril ng apat na suspek at sinabihan siya nang “may droga ka hano?” Sinagot umano ni Joshua ang mga suspek at sinabing wala siyang dalang droga at hindi siya nagdodroga. Pinadapa umano siya sa kalsada ng mga salarin habang nakatutok sa kanya ang baril at kinuha ang kanyang wallet pati ang ang susi ng kanyang motorsiklo.
Nakiusap umano si Joshua sa nga suspek na pera na lang ang kanilang kuhanin at iwan na lang ang kanyang wallet dahil naroon ang kanyang mga ID. Pinaandar at tinangay na umano ng motornappers ang motorsiklo ni Joshua at inihagis umano sa di-kalayuan ang kanyang wallet at matuling binaybay ng mga salarin ang NIA Road sa direksiyon ng barangay Sta Ines.
Kamakailan lang, sa lugar ding iyon sa Patubig Road, ay naholdap ng mga holdaper ang anak na babae ni Kagawad Enyong Vinta at ang kanyang manugang habang sakay ng kanilang tricycle. Madaling-araw umano noon nang harangin ng mga holdaper ang anak at manugang ni Vinta at ganon din umano ang modus ng nga suspek na magtatanong kung may dala silang droga.
Nakuha umano ng mga salarin ang perang pamalengke ng mga biktima. Bukod sa sa anak at manugang ni Vinta, may isang mag-asawa rin na taga Sipat ang naholdap din at natangayan ng malaking halaga kasabay ng anak at manugang ni Kagawad Enyong. Naireport naman umano sa Plaridel Police Office ang nasabing pangyayari. (UnliNews Online)