SA ikalawang sunod na taon, ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pamumuno ni Mayor Christian d. Natividad ay muling ginawaran ng pinakamataas na parangal na “Beyond Compliant” sa ika-24 na Gawad Kalasag Seal para sa Local Disaster Risk Reduction and Management Council and Officers (LDRRMCOs) kamakailan.
Ang naturang pagkilala sa lungsod ay inorganisa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng Office of the Civil Defense (OCD) na ginanap sa Laus Group Event Centre Pampanga.
Ayon sa alkalde, ipinagkakaloob ang nasabing parangal para kilalanin ang mga natatanging kontribusyon ng mga lokal na pamahalaan, organisasyon, at mga stakeholder sa buong Central Luzon para sa pagpapalakas nang katatagan sa kalamidad.
Mayroon lamang anim na lungsod, apat na lalawigan at labing siyam na iba pang munisipalidad sa buong Gitnang Luzon ang naging kwalipikado at tumanggap ng nasabing pinakamataas na parangal.
Pinasalamatan ni Mayor Natividad sina City DRRMO Head Kathrina Pia Pedro at City Administrator Joel Eugenio para sa kanilang pag-agapay at paggabay CDRRM.
Pinasalamatan din ni Mayor Natividad sina Vice Mayor Migs Tengco Bautista at ang kasapi ng Sangguniang Panlunsod dahil sa kanilang pagsuporta at pagtulong para makamtan ang pinagsumikapang karangalan. (UnliNews Online)