BINATI ni Mayor Reynante “Jowar” Bautista ang 27 magsasakang Angatenyo na nagtapos sa Farmer’s Field School on Climate Resilient Farm Business School kamakailan.
Ayon kay Mayor Jowar sa kanyang personal na Facebook Page, “ang araw na ito ay patunay ng inyong sipag, tiyaga, at dedikasyon sa pagsulong ng mas makabago at mas matatag na paraan ng pagsasaka sa harap ng hamon ng nagbabagong klima.”
“Ang inyong pagsusumikap ay hindi lamang para sa inyong mga pamilya kundi para rin sa kinabukasan ng ating komunidad at ng susunod na henerasyon,” ani pa ng alkalde.
Dagdag pa ni Mayyor Jowar, Sa inyong mga kamay nakasalalay ang ani ng masaganang bukas. Sa pamamagitan ng mga kaalamang inyong natutunan—mula sa paggamit ng makabagong teknolohiya hanggang sa pagpapatibay ng inyong kakayahan sa agribusiness—kayo ngayon ang nagiging modelo ng pagbabago at tagapagtaguyod ng sustainable na pagsasaka sa ating bayan.
Pinasalamatan rin ng alkalde ang mga Angatenyong magsasaka dahil sa kanilang ipinakitang dedikasyon at pagmamalasakit sa lupaing nagbibigay-buhay sa atin.
“Sa tulong ng inyong pagsasanay, patuloy tayong magtutulungan upang tiyakin na ang ani ng kasaganahan ay hindi lamang para sa kasalukuyan kundi para sa mga susunod pang henerasyon,” pagtatapos ni Mayor Jowar. (UnliNews Online)