PANDI, Bulacan — Pinagbigyan noong Lunes (Dec. 23) ng Caloocan City Regional Trial Court ang apela ng kampo ng nakakulong na Pandi Mayor Enrico Roque na ‘Motion to Quash’ Warrant of Arrest kaugnay ng kasong ‘rape’ na isinampa sa alkalde at sa kasama nitong municipal councilor at at isang lokal empleyado ng government unit (LGU).
Pansamantalang nakalaya ang alkalde at dalawang akusado matapos maglabas ng clearance ng Caloocan City RTC Branch 121 na nilagdaan ni Judge Ma. Rowena Violago Alejandria.
Agad na dumiretso si Roque sa municipal hall ng naturang bayan bandang alas-tres ng hapon upang ipagpatuloy ang kanyang trabaho na mainit na tinanggap ng kanyang mga tagasuporta.

Ipinahayag ng kampo ng alkalde na ang mga paratang sa kanya ay mali, fabricated, politically motivated at malinaw na harassment.
Ang kinatigang mosyon ay nagpawalang-bisa sa warrant of arrest laban sa mga akusado kung saan pinagbasehan dito ay mali, gawa-gawa at may motibo sa pulitika na paraan lamang ng uri ng pangha-harass.
Nabatid na base sa warrant of arrest nakasaad na ang mga akusado ay residente ng Bagong Silang, Caloocan City at wala sila natatanggap na subpoena mula sa korte na malinaw na inalis sa kanila ang kanilang constitutional right to due process.
Ayon kay Roque, naniniwala siya sa simula pa lang ay kakatigan ng korte ang kanila mosyon dahil wala naman basehan at malinaw na fabricated ang kasong isinampa laban sa kanila.
“Nakita mo si Mayor Roque na kinasuhan at ikinulong, pero nasaan si Mikaela (complainant)? Hanggang ngayon, hindi pa lumalabas at wala sa address na binigay, kaya malinaw na kasinungalingan at gawa-gawa lang,” ani Roque.
Sinabi ni Roque na handa siyang humarap sa imbestigasyon para malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Kasama sa mga akusado ang alkalde ay sina Konsehal Jonjon Roxas, 48, at Roel Raymundo, 54, pawang mga residente ng Pandi, Bulacan. Kasalukuyang naka-confine si Roxas simula noong Biyernes sa Delos Santos Medical Center dahil sa pneumonia.
Samantala, sinabi naman ng abogado ni Roque na si John Ree Doctor na nagpapatuloy pa rin ang kaso at ibabalik sa City Prosecutor’s Office para sa maayos na proseso at muling pagsisiyasat.
“The granting of the motion to quash is only for the warrant of arrest and the information in the court remains standing and the court has order a reinvestigation, ibig sabihin hindi pa tapos ang kaso at haharapin natin ito,” dagdag pa ng abogado ng alkalde. (UnliNews Online)