SINADYA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr, ang ‘Groundbreaking ceremony’ ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing program, sa siyam na iba’t ibang proyekto ng kanyang administrasyon sa Lalawigan ng Bulacan, na sinalubong naman ni Bulacan Gov. Daniel Fernando, kamakailan.
Sa talumpati ni Marcos, sinabi nito, “mamarkahan natin ngayong araw na ito ang pagsibol ng isang pangarap para sa mga mamamayan ng Bulacan. Ang isusukli namin sa inyong tulong, sa inyong pagmamahal at pagsuporta na patuloy naming ginagawa upang pagandahin ang buhay ng bawat kababayan nating Pilipino.”
Ayon naman kay Fernando, “karangalan po ng ating lalawigan na mabigyan ng pagkakataon na makapiling ang ating minamahal na pangulo upang ilunsad ang proyektong tutugon sa pangarap ng bawat pamilyang Pilipino na magkaroon ng bahay na masisilungan at matatawag na sariling tahanan. Para sa ating mga kababayan, hindi kailangangang marangya, kahit simple ang tahanan basta’t matibay at ligtas, ito’y isa nang magandang panimula upang makapamuhay nang masaya at may pag-asa ang isang pamilya.”
Tsk! Tsk! Tsk! Ang proyektong Pabahay ay malaking tulong sa ating mga kababayang walang titirhan. Wika pa nga ni Marcos sa kanyang talumpati ay marami pa silang gagawin ni Fernando sa Bulacan, para sa mamamayan nito. Mabuhay ang Pangulong Marcos at Gov. Fernando.
Samahang TUPAD, tumutupad sa kanilang tungkulin
Basahin po natin ang padalang ulat ni Vic Ole ng Brgy Canlubang, Calamba, Laguna. Ang kalinisan at kaayusan ay magkaroon lamang ng katuparan kung ito ay maisasagawa at maaaksyunan ng pamahalaan, para sa kapakanan ng mamamayan, sa komunidad na kanyang nasasakupan.
Ito ay ating nasaksihan dito sa Majada In, sa barangay Canlubang ng Calamba Laguna, ng ilunsad ng lokal na pamahalaan ang grupo ng Tulong Panghanap-buhay sa Ating Displaced Workers (TUPAD.) Ang grupong ito ay binubuo ng kababaihan at ilang kalalakihan upang magsagawa ng mga community service sa kanilang nasasakupang Sitio o purok ng kanilang barangay tulad ng: paglilinis ng mga bangketa, trees trimming, canal de clogging at pagsasa-ayos ng mga basura upang maging malinis at maayos ang kanilang pamayanan.
Ayon kay Ginoong Jose Burgos, Sitio-In-Charge (SIC) ng Sitio Majada In ng nasabing bayan, ang TUPAD ay inorganisa ng lokal na pamahalaan ng Calamba at inisponsoran naman ito ng Department Of Labor and Employment (DOLE,) sa ganitong serbisyo publiko. Gayundin, upang matulungan ang mga miyembro ng TUPAD para sa financial assistance na magmumula naman sa DOLE.
“Mayroong 23 miyembro ang TUPAD sa sitio Majada In at magseserbisyo ang mga ito sa loob ng 10 araw sa kanilang komunidad. Ang nasabing 10 araw na community service ay mahahati sa ilang buwan depende sa eskedyul ng kanilang activities. Matapos ang 10 araw na serbisyo ay tatanggap ng halagang P4,700, ang bawat miyembro ng TUPAD na magmumula naman sa DOLE. Subalit ang 23 miyembro ng TUPAD ay maaaring palitan ng panibagong miyembro matapos ang sampung araw na serbisyo publiko, ito ay upang mapagbigyan naman ang ibang residente na walang hanap-buhay at tutupad din ang mga ito tulad ng naunang 23 miyembro ng grupong TUPAD at sa katulad ring honorarium na mula sa DOLE,” pagtatapos ni Burgos. (UnliNews Online)