LUNGSOD NG MALOLOS — Sinira sa lalawigan ng Bulacan at Nueva Ecija noong Lunes (Jan. 6) ang mga nakumpiskang mga ilegal na produkto ng paputok makaraan ng Bagong Taon.
Kabilang sa mga nakumpiskang produkto ng paputok ang Kingkong, Kabase, Junior Bawang, Giant Whistle Bomb, Piccolo, Poppop, Five Star, Pla-pla, Kwitis, Sawa, Luces, Three Star, Three Star OG, Sinturon ni Hudas, Whistle Bomb, Baby Rocket, Fountain at Boga.
Ayon kay Col. Satur Ediong, Bulacan police director, ang pagsira sa mga nakumpiskang paputok sa lalawigan ay isinagawa sa Barangay Camachile, bayan ng Doña Remedios Trinidad na isinagawa at sinaksihan ng mga kinatawan mula sa mga tanggapan ng pulisya, bumbero at kapaligiran.
Sa kabilang banda, sinabi ni Col. Ferdinand Germino, Nueva Ecija police director, ang pagtatapon ng mga nakumpiskang produkto ng paputok sa lalawigan ay ginawa sa loob ng Provincial Police Parade Ground na sinuportahan din ng mga tauhan ng Nueva Ecija Provincial Fire Office. (UnliNews Online)