WALA na yatang Pilipino mayaman man o mahirap bata man o matanda ang hindi nagkasakit ng sipon at ubo. Ako man ay hindi nakalibre sa uri ng mga sakit na ito. Hindi lang once, but twice. Nito lamang mid-December 2024 ay dinapuan ako ng matinding ubo at bahagyang sipon at hindi naman nagtagal at gumaling din. May kasabihan sa mundo bg nga mamamahayag na bawal ang magkasakit. Kaya lang, mahirap iwasan ang ganitong karamdaman na nauuso.
Pero pagtuntong nitong January 2025 dinapuan na naman ulit ako ng ubo at sipon at ang mahirap, may kalakip pa na trangkaso kaya nagbago ang aking panlasa. Medyo mapait ang panlasa ko sa mga pagkain na dati ko ng kinakain. Nawala ba ‘yung sarap ng aking taste bud dahil sa flu.
Kung bakit itong cough variant ngayong amihan season ay sobrang makati sa lalamunan. Talagang magigising ka sa kalaliman ng gabi at mahirap pigilin ang pag-ubo kapag matindi ang pangangati ng lalamunan marami sa aking nga kapamilya, mga kaanak at mga kapitbahay ang hindi nakalibre sa sakit na ubo.
Ang sabi ng aking mga kaibigang media, magsuob daw ako para mawala ang virus ng ubo. Hindi naman ako sanay ng sinasabi nilang suob na maglalagay daw ng pinakulong tubig na may asin sa kaserola lalanghapin ang usok ng mainit na tubig habang nakatalukbong ng kumot ang buong katawan para pagpawisan.
Mayroon naman kaming steamer na parang nebulizer naglagay na lang ako ng konting tubig na may asin sa cup at nang i-on ko ang motor ay umusok iyon saka ko nilanghap ang usok. Medyo nakakaginhawa ang gayon kaya inulit-ulit ko na lang.
Mahirap talaga ang magkasakit ng ubo lalo na kung ikaw ay nasa saradong lugar at maraming tao sa loob. Pagtitinginan ka ng mga tao sa tuwinang ikaw ay susumpungin ng pag-ubo. Nakakahiya talaga. Kung bakit naman kasi kumakati pa ang lalamunan at iyan ang dahilan kung bakit ako nauubo.
Kaya lang, hindi lang pala sipon at ubo ang uso ngayon. Pati na ang trangkaso. Tinamaan din nga ako ng sakit na ito. Alam naman natin ang epekto ng trankaso sa ating pang-amoy. Lahat ng usok na ating naaamoy ay lalo na kung nausukan ka ng usok ng sigarilyo ng isang smoker, ang amoy ng usok ay parang amoy ng nasusunog na balahibo ng manok.
Hindi naman kabigatan ang nauusong trangkaso ngayon. Mas mahirap pa nga ang ubuhin ka nang ubuhin sa magdamag kaya ingat po tayo. Iwasan ang labis na pagpupuyat dahil ang puyat ay nakapagpapahina ng immune system. Inom lang ng maraming tubig. Dahil ang tubig ang pinakamainam na natural na gamot. (UnliNews Online)