MARAMI sa ating mga kababayan ang hindi lubos nauunawaan ang epekto ng mataas na inflation rate at kung ano ang dahilan at mayroong ganito. Hindi rin intresado ang karaniwang Pilipino na alamin pa ang dahilan ng implasyon tulad na lamang ng linyang ganito: Ang inflation rate o tasa ng implasyon ay ang pagtaas ng pangkalahatang presyo ng mga produkto at serbisyo sa isang ekonomiya sa isang tiyak na panahon. Ito ay isang mahalagang batayan para sa ekonomiya ng isang bansa.
Madali kasing unawain ang linyang “tumataas ang halaga ng mga pangunahing bilihin at serbisyo pero hindi naman tumataas ang sahod ng mga trabahador lalo na ang mga karaniwang manggagawa na nakakaramdam ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin. Hindi na kasi mag-aaksaya ng panahon ang mga common people na alamin ang nga dahilan ng implasyon.
Halimbawa. Itong implasyon ay nagaganap kapag ang pangkalahatang demand para sa mga produkto at serbisyo ay mas mataas kaysa sa kaya ng supply na ibigay. Ito ang kalagayan na mas labis ang aggregate demand kaysa kabuuang suplay. Ang pagtaas ng presyo ng mga gastusing pamproduksiyon ang siyang sanhi ng pagtaas ng presyo ng bilihin
Puwede rin naman na ang pagtaas ng halaga ng petrolyo sa pandaigdigang merkado. Ang oil petroleum countries kasi ang nagdidikta ng halaga ng langis kaya kapag mataas ang presyo ng petrolyo sa world market nagkakaroon ito ng domino effects. Halimbawa, naaapektuhan nito ang larangan ng industriya na nakadepende sa langis.
Kapag mataas ang presyo ng langis, tataas din ang halaga ng finished products.
Apektado rin nito ang presyo ng mga kalakal at serbisyo na inaangkat mula sa ibang bansa. Bunsod nito, tataas ang gastos sa produksyon na magiging sanhi naman ng pagtaas ng presyo sa lokal na pamilihan. Ganyan kasalimuot ang implasyon kaya hindi talaga mauunawaan ng mga karaniwang mamamayan.
Sa aspekto naman ng pananalapi. Kapag tumaas ang suplay ng pera at tumaas din ang kita at ang demand kaysa produksyon, mahahatak nito pataas ang presyo.
Kapag tumaas naman ang palitan ng piso sa dolyar dahil sa kakulangan ng dolyar na pumapasok sa bansa (suplay), bumababa ang halaga ng piso katumbas ng dolyar. Ang kailangan ay higit na maraming pisong kapalit sa dolyar at dito bumababa ang value ng piso at kasunod nito ay tataas ang presyo ng mga produkto at ng serbisyo. (UnliNews Online)