LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Pormal nang kinumisyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang bagong amphibian vehicle at karagdagang tatlong rescue speed boats sa pagbubukas ng taong 2025.
Ipinundar ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang nasabing mga bagong rescue vehicles sa direktiba ni Gobernador Daniel R. Fernando matapos ang paghagupit ng bagyong ‘Carina’ noong Hulyo 2024.

Matatandaan na ito ang bagyo na tumama sa Bulacan na nagbuhos ng labis na pag-ulan na nagdulot ng malawakang pagbabaha. Ayon sa gobernador, naging malaking hamon noong mga panahong iyon ang pagsasagawa ng mga rescue at relief operations dahil hindi makapasok ang malalaking trak sa sobrang taas ng tubig-baha.
Kaya naman naging prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang pagpupundar nito sa pamamagitan ng pagpapatibay ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Resolution No. 31.
Pangunahing nilalaman nito ang paglaan ng P39.7 milyon na Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) ng Kapitolyo. Sa loob ng nasabing halaga, P6 milyon ang para sa pagbili ng Penetrator Amphibious Vehicle, P25 milyon para sa coastal/swift water amphibious vehicle, P6.5 milyon para sa karagdagang fire truck, P1.5 milyon para sa Drone equipment at P583 libo para sa iba pang kasangkapan.
Para kay PDRRMO Head Manuel Lukban, bahagi lamang ito ng mga inisyatibo para sa patuloy na inobasyon sa pagtulong at pagsagip ng buhay ng bawat mamamayang Bulakenyo. Sinisimbulo aniya nito na laging handa ang PDRRMO ng Bulacan na magbigay ng serbisyong higit pa sa inaasahan.
Patunay dito ang taunang pagkakatamo ng PDRRMO ng Bulacan ng Gawad KALASAG o KAlamidad at Sakuna LAbanan, SAriling Galing ang Kaligtasan-Beyond Compliance mula sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng Office of the Civil Defense (OCD) mula pa noong 2013. Pinakabago rito ay ipinagkaloob nitong Disyembre 2024. (UnliNews Online)