MALAGIM na kamatayan ang sinapit ng isang motorcycle rqcer na may bansag na “superman” dahil sa kakaibang mga stunt na kanyang ginagawa habang nagpapatakbo ng kanyang motorsiklo at ang paboritong lugar na pinagkakarehan ay ang Marilaque Highway sa Tanay, Rizal.
Kamakailan lang ay nag-ala ‘superman’ sa Marilaque Highway ang dalawang motorcycle racers. Dahil sa bilis ng takbo ng kanilang mga motorsiklo ay kitang-kita sa mga video footage na kuha ng mga netizen kung papaano nagkasagian ang dalawang rider at tuluyan silang sumalpok sa mga nakaparadang motorsiklo at maraming manonood ang nadamay at pawang sugatan. Isang bystander ang tumilapon sa mababaw na bangin nang masalpok ng motor ng isang rider.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, isa ang patay at pito katao ang sugatan sa banggaan ng dalawang rider. Yung kabanggaan ng namatay na rider ay swerteng nabuhay kaya lang, nagdamay pa sila ng ibang tao na pawang nasaktan. Masyadong mapanganib ang stunt na ginawa ng isang rider na dumapa pa sa upuan ng kanyang motorsiklo habang binibirit ang takbo ng kanyang motorsiklo.
Marahil ay napanood ng maraming netizen ang isang video footage na makikitang nagkakarera ng kani-kanilang motorsiklo ang mga rider at nagpapakitang-gilas, sa pamamagitan ng pagsu-superman ride o pagdapa sa motorsiklo habang nakataas ang mga paa.
Sa kasamaang-palad, nagkasagian ang mga motorsiklo ng dalawang rider sa pakurbadang bahagi ng highway kaya nawala sa kontrol ang pagmamanibela ng dalawa hanggang sa tuluyang sumalpok sa mga nakaparadang motorsiklo.
Alam ninyo, iyang pagpapakitang-gilas sa single motorcycle at may kaakibat na panganib tulad ng sinapit ng namatay na rider sa Marilaque Highway. Ang dapat sigurong gawin ng PNP ay magtayo ng sub-station sa Marilaque Highway sa lugar mismo na pinagkakarerahan ng mga motorcycle enthusiasts at gawin ang regular na pagpapatrulya para matigil na iyang pagsu-superman stunt ng mga happy go lucky riders.
Sa kasalukuyan ay binabantanyan na ng mga tauhan ng pulisya at ng mga kawani ng Land Transportation Office ang lugar na tinatawag din na ‘killer highway ‘ at sana naman ay hindi na maulit ang gayong malagim na pangyayari.
Tamang aksidente iyon pero puwede namang makaiwas sa aksidente kung ginagawa ang lahat ng pag-iingat at huwag nang magpagalingan sa lansangan dahil isa lang ang buhay ng bawat tao. (UnliNews Online)