ANG Lungsod ng Malolos at ang Lungsod ng Vigan, sa Ilocos Sur, ay parehong destinasyon ng mga turista lokal man o banyaga dahil sa mga pook pasyalan na nagpapagunita ng sinaunang panahon tulad na lamang ng pamosong Barasoain Church, na kung saan ay doon isinagawa ang kauna-unahang Batasan ng Pilipinas at doon din niratipika ang kauna-unahang Konstitusyon ng Pilipinas, na natanghal bilang Republica de Malolos.
Ang kaibahan lang ng Vigan ay idineklara ito noong 1999 ng UNESCO bilang World Heritage Site at ang isa sa mga pamosong lumang bahay sa lugar ay ang Quema House, isa sa mga historical landmark ng Vigan. Bukod dito, marami pang mga sinaunang bahay sa Calle Crisologo, sa mismong city proper ng Vigan at mayroong old houses doon na ginawang paupahan o transient house para sa mga turista.
Marami rin naman ancestral houses na itinayo sa Malolos noong panahon na sakop pa tayo ng mga Kastila kaya hindi rin naman pahuhuli ang kabisera ng Bulacan kung ancestral houses din lang naman ang pag-uusapan at tampok sa mga lumang bahay doon sa lugar na kung tawagin ang “Kamistisuhan District”.
Isang matandang bahay sa nasabing distrito ang pag-aari ni Dr. Luis Uitangcoy Santos. Ang lumang bahay na ito ay binigyan ng panandang pangkasaysayan at ginawaran din naman ng interaktibong pananda at QR Code. Naroon pa rin ang fountain na likhang-kamay ni Guillermo Tolentino. Nakamamangha dahil ang kisame ng heritage house na iyon ay ipininta ng kilalang pintor sa kasaysayan ng Pilipinas na si Fernando Amorsolo.
Kung sa Vigan ay mayroong mga kalesa na hinihila ng kabayo at ang mga ito ang inaarkila ng mga turista upang likutin ang historical landmarks ng siyudad. Sa Malolos naman ay ang mayroong “karatig”. Ito ang jeep na sinasakyan ng mga turista. Ang mga tsuper ng karatig ang siyang naghahatid sa mga turista papunta sa iba’t ibang destinasyon. Hindi na kailangang libutin o pasukin ng tourist bus ang mga destinasyon lalo na ang makikipot na kalsada dahil ang mga karatig ang siyang tagahatid ng mga turista.
Doon sa government center ay doon ipaparada ang mga tourist bus. Naghihintay naman doon ang mga dyip na karatig na siya namang sasakyan ng mga turistang bumaba sa kani-kanilang tourist bus upang dalhin naman sila ng mga karatig sa mga pook pasyalan ng Siyudad ng Malolos
Makakatulong din aniya ito para makabawas sa masikipna daloy ng trapiko dahil hindi na kailangang pumasok ng malalaking bus sa mga destinasyon mula sa Barasoain, Kamistisuhan District at Katedral-Basilika kung saanmararanasan ang buhay, kasaysayan at kultura noong panahon ng Unang Republika ng Pilipinas.
Ang sistema, iiwan ang mga bus o mga sasakyang dalang turista sa Malolos City Government Center at doon pasasakayin sa mga Karatig upang madala sa nasabing mga destinasyon.
May inisyal na 10 “Karatig” mula sa tinatayang nasamahigit 100 na aktibong yunit ang inisyal na kalahok sa proyekto. (UnliNews Online)