LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Lima umanong drug pusher ang nasakote ng mga otoridad sa isang buy-bust operation nitong Martes sa Barangay San Vicente sa nasabing lungsod.
Base sa ulat kay Col. Satur Ediong, Bulacan provincial director ni Lt. Col. Rommel Geneblazo, Malolos City chief of police, kinilala ang mga suspek sa alyas na Dayday, 45 anyos, construction worker, residente ng Kamagong St., Sionson Subdivision, Brgy. San Vicente; alyas Renner, 20, kargador at residente ng Kamagong St., Sionson Subdivision, Brgy. San Vicente; alyas Jonjon, 42, vendor, residente ng Crossing Brgy. Guinhawa; alyas Manny, 54, residente ng Brgy. Sumapang Matanda; at alyas Mitch, 44, at nakatira sa Cabantog Subdivision, Brgy. Sumapang Matanda, at nasamsam sa kanila ang 30 gramo ng shabu na aabot sa halagang P204,000.00.

Batay sa report, ikinasa ng Station Drug Enforcement (SDEU) ng Malolos City Police Station ang buy-bust operation, alas-3 ng hapon Martes sa Brgy. San Vicente, Lungsdo ng Malolos, at dito ay naaresto ang mga suspek.
Nasamsam din sa mga suspek ang isang .45 caliber pistol na may isang nakasingit na magazine at anim na pirasong live ammunition. Dagdag pa rito, dinala sa Malolos City Police Station ang mga naarestong suspek at ang mga nasamsam na ebidensiya para sa kaukulang disposisyon.
Nakatakda namang sampahan ang mga suspek ng mga kasong Violation of RA 9165 Article II section 5, 11, 15 at Violation of RA 10591 in relation to Omnibus Election Code.
“Mahigpit at pauli-ulit kaming nagpapaalala na ang iligal na droga ay walang puwang sa Lungsod ng Malolos at hinding-hindi kayo makaliligtas sa mata ng batas,” ani Lt. Col. Geneblazo. (UnliNews Online