CAMP ALEJO SANTOS, Bulacan — Inaresto ng Angat police sa pinaigting na manhunt operation ang Top 2 Most Wanted Person (Regional Level) noong Lunes (March 10) sa Barangay Binagbag, Angat.
Base sa ulat na isinumite kay Col. Satur L. Ediong, Bulacan provincial director, kinilala ang akusado sa alyas Gener, 33-anyos na driver mula sa Brgy. Ang Mabalas-Balas, San Rafael, Bulacan.
Ang wanted person ay dinakip ng magkasanib na operatiba ng Angat police, 301st MC-RMFB 3 at Bulacan Provincial Intelligent Unit sa bisa ng isang Warrant of Arrest para sa kasong Robbery with Homicide.
Ang warrant ay inisyu ni Hon. Felizardo Soriano Montero Jr., Presiding Judge ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Branch 11, Malolos City, Bulacan, noong Oktubre 16, 2024, na walang inirekomendang piyansa.
Nasa kustodiya na ngayon ng Angat MPS ang akusado para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Ang Bulacan Police Provincial Office, sa pamumuno ni Col. Ediong, ay nananatiling matatag sa kanilang pangako sa pagsugpo sa kriminalidad.
“Sa pamamagitan ng pinaigting na operasyon, patuloy na matagumpay na nahuhuli ng mga awtoridad ang mga most wanted person at indibidwal na sangkot sa mga ilegal na aktibidad, na lalong nagpapatibay sa kanilang dedikasyon sa pagtiyak ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan,” pagtatapos ni Ediong. (UnliNews Online)