Sunday, March 16, 2025
Amana Water Park
HomeOpinionAUTHOR'S VIEWPOINT‘Band aid solution’ at ang mukha ng kahirapan

‘Band aid solution’ at ang mukha ng kahirapan

HINDI maikakaila na mas marami ang mahihirap na mga pamilyang Pilipino kaysa mga pamilyang nakaririwasa at nakaluluwag sa buhay kaya ang pagsugpo sa ‘kahirapan’ ang palaging bukambibig ng mga pulitikong nangangampanya tuwing panahon ng ng halalan.

Ang kahirapan daw ay ang pangkalahatang kakulangan at kawalan ng mga pangunahing pangangailangan. Totoo naman dahil mayroong mga barangay o bayan man sa mga liblib na lugar sa ating bansa ay pawang maralita ang pamumuhay. Salamat na lamang sa mga vlogger dahil sila ang saksi at nagbukas ng bintana ng kalagayan ng mga mahihirap na Pilipino sa remote areas at sila rin ang naging kasangkapan upang mahatiran ng tulong ang mga kapuspalad nating kababayan.

Sila ring mga dukha na naninirahan sa mga liblib na lugar ang bihirang marating ng ayuda buhat sa pamahalaan tulad ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS). Ano ba ang mga programang ito at gaano karaming mahihirap na mamamayan ang natutulungan ng nasabing mga programa?

Ang AKAP at AICS ay mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang layunin ay tulungan ang mga mahihirap na pamilya at indibidwal sa panahon ng krisis. Itong AKAP ay nagsimula noong 2024, na ang ang layon ay tugunan ang di mapigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na nagsimula noong panahon ng pandemyang COVID-19. Pinonduhan ito ng malalaking pondo. Samantalang, ang Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS naman ay nagsimula naman noong 2020.

Nakatutulong ba sa mahihirap na Pinoy ang AKAP at AICS? May mga natutulungan din naman ang mga ito pero hindi ang lahat dahil may mga reklamo pa rin sa kabila ng lahat at ang reklamo ay hindi raw sila naisasama sa master list ng tagalista sa barangay. Pero kung susuriin ang master list ay nauna na palang tumanggap ng ayuda ang mga marereklamo.

Sa kabilang banda, ang mga programang iyan ay band-aid solution lang at hindi pang matagalang solusyon sa kahirapan. Ang kailangan kasi ng mga mahihirap na Pilipino ay hanapbuhay na may sapat na kita. Tamang nakatutulong ang mga programang ayuda pero panandalian lang ang mga iyan. May pagkakataon na nagagamit pa nga ang ayuda sa pamumulitika.

Sa totoo lang, ang ayuda ay sapat lamang para sa isang araw o isang linggong panggastos ng mga benepisyaryo. Sadyang malayo sa katotohanan na natutugunan ng mga programang ayuda ang mga batayang problema sa ekonomya ng mamamayan tulad ng kawalan ng trabaho, mababang sweldo, mataas na presyo ng bilihin, at kakapusan sa araw-araw na pagkain.

Kaya hindi maiiwasang umasa na lang ang ang mga mahihirap na Pinoy sa ayuda at tanggapin man natin o hindi, ang mukha ng kahirapan ay hindi magawang burahin ng kasalukuyan maging ng mga nagdaang administrasyon sa kabila ng mga pagsisikap na naisagawa o isinasagawa pa lamang. (UnliNews Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments