Tuesday, December 17, 2024
Amana Water Park
HomeNational NewsDTI, hinikayat ang mga ‘creative workers’ sa Gitnang Luzon na irehistro ang...

DTI, hinikayat ang mga ‘creative workers’ sa Gitnang Luzon na irehistro ang mga hanapbuhay

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Hinikayat ng Department of Trade and Industry o DTI ang mga “Malikhaing Pinoy” o Creative Workers partikular sa rehiyon ng gitnang Luzon, na irehistro sa ahensiya ang kani-kanilang mga hanapbuhay o pinagkakakitaan upang makinabang sa mga proyekto at programa sa ilalim ng Malikhaing Pinoy Program.

Sa ginanap na Touchpoint 4.0: Central Luzon Business Conference, sinabi ni DTI- Central Luzon Officer-In-Charge Regional Director Brigida Pili, ito ay naayon sa Republic Act 11904 o ang Philippine Creative Industries Development Act na ipinasa ng Kongreso at ganap na naging batas noong Hulyo 2022.

Ito’y upang magkaroon aniya ng siguradong listahan kung sinu-sino ang lehitimong nasa Creative Industry, nang sa ganoon ay maging madali ang pag-agapay at pagbibigay ng tulong ng pamahalaan para sa lalong pag-unlad ng industriya.

Kabilang sa mga tinukoy na nasa tinatawag na Creative Industry ay ang Audiovisual Media, Creative Services, Digital Interactive Media, Design, Publishing and Printed Media, Performing Arts, Visual Arts, Traditional Cultural Expressions, Cultural Sites at iba pang sumisibol na creative initiatives.

Binigyang diin naman ni DTI-Central Luzon Officer-In-Charge Assistant Regional Director at siya ring DTI- Bulacan Provincial Director Edna Dizon, na ang pagtutok sa Creative Industry ay pagbibigay ng ganap na pagkilala at katarungan sa mga malikhaing gawa sa larangan ng sining at kultura.

Ito rin aniya ang magpapasimula upang higit na magkaroon ng inobasyon at makalikha ng yaman at kabuhayan mula sa Creative Industry. Gayundin ang pagtitiyak na mapangangalagaan ang Intellectual Property Rights ng bawat likha at lumikha.

Sa lalawigan ng Bulacan, nagsimula nang maging organisado ang mga nasa Creative Industry partikular na ang mga kasapi ng Bulacan Events Suppliers Association o BESA na itinatag noong 2015. Tinatayang nasa P5 bilyon na ang halaga ng events industry sa lalawigan.

Bahagi ito ng nasa P1.6 trilyong halaga ng Creative Industry sa bansa base sa tala ng Philippine Statistics Authority o PSA. Nakalikha na rin ng nasa limang milyong trabaho mula sa industriyang ito na katumbas ng 11.6% ng kabuuang employment rate noong 2021.

Bagama’t may mga datos nang kagaya nito, sinabi naman ni Kinatawan Christopher Vera Perez De Venecia ng Ikaapat na Distrito ng Pangasinan na siyang principal author ng Republic Act 11904 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, na kailangang mas gawing organisado ang mga indibidwal o grupo na nasa Creative Industry.

Halimbawa na rito ang pagkukumpleto ng mga dokumentasyon bilang ganap na negosyo at mapalakas ang mga pagkakakilanlan.

Kaugnay nito, malinaw na isinaad sa Republic Act 11904 kung paano direktang makakatulong ang pamahalaan sa mga nasa industriyang ito sa pamamagitan ng pagbubuo sa Philippine Creative Industry Development Council.

Pangungunahan ng DTI ang pagtataguyod ng council na ito na kabibilangan ng mga kinatawan mula sa traditional cultural expressions, cultural sites, performing arts, audiovisual media, visual arts, creative services, digital interactive media, design at publishing and printed media.

Kasapi rin bilang ex-officio ang mga kinatawan mula sa Department of Tourism o DOT, National Commission on the Culture and the Arts o NCCA, Intellectual Property Office of the Philippines o IPOPHL, Department of Foreign Affairs o DFA, Department of Interior and Local Government o DILG, National Economic Development Authority o NEDA, Department of Science and Technology o DOST, Department of Education o DepEd at Department of Information and Communication Technology o DICT.

Magsisilbing mekanismo ang Philippine Creative Industry Development Council upang maibalangkas at mailatag ang National Creative Industries Development Plan at ang National Cultural Policy and Plan.

Nakapaloob dito ang mga pamamaraan kung paano maipapatupad ang mga polisiya sa industriya, makalahok ang pribadong sektor sa larangan ng marketing at promotion.

Magkakaroon din ng Creative Workers’ Welfare Standing Committee na tutugon sa kapakanan ng mga Creative Workers lalo na ang mga freelancers na magkaroon ng tuluy-tuloy na kabuhayan mula rito.

Kapag naiorganisa ang mga Creative Workers, tutulong ang council na ito upang makatamo sila ng pondo mula sa binuong Creative Industry Development Fund upang makatulong sa research and development, trade promotion at human resource development.

May inisyal na P360 milyon ang inilaan ng Department of Budget and Management o DBM para sa rito na nasa Pambansang Badyet ng 2023.

Iba pa rito ang mga suporta sa imprastraktura, inobasyon, digitalization at fiscal incentives kung saan makikinabang din sila sa umiiral na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Law sa bisa ng Republic Act 10534. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments