LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Magsasanib-puwersa sina Cong. Danny A. Domingo (Bulacan 1st District), Governor Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro, Mayor Christian Natividad, Vice Mayor Migs Tengco Bautista, at lahat ng Sangguniang Barangay sa nasabing lungsod para sa mas malusog, malinis, ligtas, at maunlad na Malolos.
Para sa unang araw ng programa, tinutukan ng tanggapan ni Cong. Domingo ang paglilinis ng kalsada ng mga barangay ng Mojon at Pinagbakahan.

Ang programang ito ay hindi lamang pagtatanghal ng kahalagahan ng pagsasama-sama at kaisahan sa pagkilos kundi isang malawakang hakbangin na may kinalaman sa paglaban sa dengue, pagsiguro ng kaligtasan ng mga estudyante sa kalye, at pangangalaga sa pangkalahatang kapakanan ng bawat Maloleño. Isasagawa ito sa bawat barangay at sa mga pangunahing daanan sa ating lungsod.
Hinihiling ang pakikiisa at pakikilahok ng bawat pamilya at komunidad upang maging matagumpay ang programang ito.
“Sa ating pagtutulungan upang linisin at sinupin ang basura, alisin ang mga obstruksyon sa mga kalsada, at hukayin at linisin ang mga drainage system at daang tubig, ating mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga anak at pamilya, at masusuportahan ang pangkabuhayan ng mga namamasada at manggagawa, gayundin ang paglakas ng negosyo sa Lungsod ng Malolos,” ani Cong. Domingo. (UnliNews Online)