LUNGSOD NG MALOLOS — Para sa layuning makamit ang makatotohanan at maayos na eleksyon sa May 12 sa lalawigan ng Bulacan, isinagawa ang Unity Walk, Interfaith Prayer at Covenant Signing na sinimulan ng alas-7 ng umaga nu’ng Miyerkules (March 26) sa dating City Hall ng Malolos, patungo sa makasaysayang Barasoain Church.
Dinaluhan ito ng mga kandidato mula sa iba’t ibang posisyon, mga kinatawan ng Commission on Elections (COMELEC), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), DepEd, Barangay officials at mga opisyal ng lokal na pamahalaan. Dumalo rin ang iba pang mga stakeholders na may layuning mapanatili ang integridad at kaayusan sa eleksyon.

Layon ng aktibidad na tiyakin ang pakikiisa ng mga kandidato para sa isang malinis, ligtas, payapa, at maayos na halalan.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng Unity Walk, isang makabuluhang martsa ng pagkakaisa na sumisimbolo sa pangako ng bawat kalahok na panatilihin ang kapayapaan bago, at hanggang matapos ang eleksyon.
Matapos nito, isang Interfaith Prayer ang isinagawa sa Simbahan ng Barasoain bilang panawagan sa Maykapal para sa patnubay, karunungan, at pagkakaisa sa pagsasagawa ng isang tapat at maayos na eleksyon na sinundan ng Covenant Signing.
Ang nabanggit na programa ay pinangunahan ng mga kumakandidatong Gobernador ng lalawigan na sina Gobernador Daniel Fernando, dating Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado at Salvador “Bogs” Violago.
Sumama rin at nakilahok sina Bise Gobernador Alex Castro, kumakandidato sa pangka-Bise Gobernador Elmer Paguio, mga kandidato sa pagka-congressman at Board Member. (UnliNews Online)