Monday, March 10, 2025
Amana Water Park
HomeNational News328,506 mga batang Bulakenyo target bakunahan ng kontra Tigdas-Hangin, Polio

328,506 mga batang Bulakenyo target bakunahan ng kontra Tigdas-Hangin, Polio

SANTA MARIA, Bulacan — Puntahan, sadyain at hanapin ang lahat ng mga bahay na may mga batang nasa limang taong gulang pababa, upang mabigyan ng mga bakuna laban sa Tigdas-Hangin at Polio

Iyan ang derecho at malinaw na direktiba ni Department of Health o DOH Undersecretary Enrique Tayag sa paglulunsad ng Chikiting Ligtas Measles Rubella-Oral Polio Vaccine o MR-OPV Supplemental Immunization Program sa Waltermart-Santa Maria sa Bulacan.

Hudyat ito ng pagsisimula na makababa sa 569 na mga barangay sa lalawigan ang 657 na vaccination teams ang binuo ng Provincial Health Office o PHO, upang makapagsagawa ng pagtuturok laban sa Tigdas-Hangin o Measles-Rubella at pagpapatak laban sa Polio.

Binigyang diin ni Undersecretary Tayag na seryosohin ang pagpapabakuna at huwag baliwalin dahil may banta ng isang outbreak ng nasabing dalawang sakit na parehong nakakamatay.

Target bakunahan sa Bulacan ang may 328,506 na mga batang Bulakenyo sa buong buwan ng Mayo na aabot hanggang sa kalagitnaan ng Hunyo 2023. Ito ang 95% ng populasyon ng mga bata sa Bulacan.

Sa loob ng bilang na ito, sinabi ni Patricia Alvaro, tagapagsalita ng Provincial Health Office o PHO, nasa 280,614 na mga batang Bulakenyo ang tuturukan ng bakuna laban sa Tigdas-Hangin at mapatakan din ng bakuna laban naman sa Polio.

Sila ang mga batang may edad siyam hanggang 59 na buwan na katumbas ng limang taong gulang pababa.

Nasa 47,892 naman na mga batang Bulakenyo na mula sa mga bagong panganak hanggang walong buwan ang bibigyan ng papatakan lamang kontra Polio.

Ayon kay DOH- Central Luzon Region III Corazon Flores, bahagi ito ng nasa 960 libong mga bata sa nabanggit na mga edad na target mapabakunahan sa pitong mga lalawigan ng gitnang Luzon. May kasama ring Vitamin A ang ibibigay sa mga batang magpapabakuna.

Kaugnay nito, nagpaalala si Undersecretary Tayag na kung hindi mababakunahan ang mga tinukoy na mga bata, malaki ang posibilidad na tamaan sila ng Tigdas Hangin at Polio.

Sakali aniya na magkaroon ng Tigdas-Hangin ang isang bata, maaaring mahawahan nito ang isa hanggang 18 pang ibang bata. Tumatagal ng 10 araw ang sakit na ito.

Karaniwang sintomas nito ang sintomas nito ang pagkakaroon ng lagnat na sinasabayan ng ubo at sipon, pamamantal ng balat at pagkakaroon ng mga peklat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Isang singaw na lumalabas sa katawan ng isang bata na nakukuha sa nalalanghap na hangin ang Tigdas-Hangin.

Kapag tumama naman ang Polio sa isang tao, hindi na ito mawawala o matatanggal.

Ang pagkakaroon ng sakit na Polio o Poliomyelitis ay may kinalaman naman sa hygiene o kalinisan sa pangangatawan, kapaligiran, kinakain at naiinom na tubig. Umaabot ang epekto nito sa spinal cord na nagiging dahilan ng pagkaparalisa.
Walang anumang gamot dito kundi ang pagkakatamo ng mga bakuna.

Samantala, nagpahayag ng suporta si Santa Maria Mayor Omeng Ramos sa malawakang pagbabakunang ito kaya’t nag-utos siya sa mga bakunador na nakadestino sa bayang ito, na suyurin ang pinakaliblib na mga sitio upang matiyak na walang batang nasa limang taong gulang pababa ang maiiwan na hindi mababakunahan.

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments