MEYCAUAYAN CITY — Muling isinagawa noong Linggo (May 7) ang paglalayag sa kahabaan ng Ilog Meycauayan ang pagoda ni Mahal na Señor Emmanuel Salvador sa ika-121 taon nitong pagdiriwang sa Barangay Liputan.
Nakiisa si City Mayor Henry Villarica sa prusisyon ng pagoda mula Brgy. Liputan hanggang Poblacion upang misahan sa St. Francis Parish Church ang Mahal na Señor Emmanuel Salvador.
Matapos misahan ay muli itong iprinusisyon pabalik ng Brgy. Liputan habang pinalilibutan at pinaiikutan ng maliliit na bangka at tinutugtugan ng mga mosiko.
Nakabatay sa taas ng tubig ang pagpapatupad ng tradisyong ito na kasalukuyang ginagawan ng sapat na dokumentasyon ng Meycauayan LGU para mapabilang sa pambansang talapamana ng National Commission for Culture and the Arts.
Ang preserbasyon ng pinakamagarbo at dinadayong tradisyunal na fiesta ng Meycauayan ay mahalaga para sa makahulugang pagsasalin nito sa susunod pang henerasyon. (UnliNews Online)