LUNGSOD NG MALOLOS — Nasa 31 trainees na iskolar ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa naturang lungsod ang nagsipagtapos noong Miyerkules (May 10) ng Bread and Pastry Production NC II sa Ilalim ng Special Training for Employment Program (STEP).
Ang nasabing pagtatapos ay dinaluhan nina TESDA-Bulacan Provincial Director Maria Gerty D. Pagaran, Mayor Christian D. Natividad, CTECO Training Division Focal Person Cherry Mendoza, Division Chief Marianne Mendoza at CTECO OIC Inh. Reynaldo Garcia.
Kasabay ng gawain ang pagkakaloob ng toolkit na may kasamang portable oven, mixing bowl, weighing scale, wire whisk at iba pang kagamitang panghanapbuhay na naging posible sa pamamagitan ni Senator Joel Villanueva.
Sa naging mensahe ni Mayor Natividad, kaniyang pinasalamatan ang TESDA sa patuloy na pagbibigay ng oportunidad sa ating mga kababayan upang magkaroon ng kaalaman, kasanayan, maging mga kagamitang kapaki-pakinabang para sa kanilang paghahanapbuhay.
Sa pagtatapos, ay pinaaalalahanan naman ni PD Pagaran ang mga nagsipagtapos na pahalagahan ang mga kagamitang kanilang natanggap. (UnliNews Online)