NAIS natin batiin ang mga batikang Senador na nag-imbistiga sa kaso ng ‘P6.7B drug case,’ na kinasasangkutan ng ilang pulis. Ito ay sina Senador Raffy Tulfo, Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Robin Padilla, kita rin sa pagtatanong na naganap si Sen. Ramon Bong Revilla Jr.
Sa kanilang pagtatanong sa mga nakasalang na miyembro ng Phillippine National Police (PNP,) na pinaghihinalaang sangkot sa naturang kaso. Ay tila pinaiikot at iyan ay dama ng mga Mambabatas na ang mga sangkot sa diumano ay ‘drug heist’ ay pawang mga nagsisinungaling sa pagsagot ng salitang “ I invoke my right to remain silent.’
Kaya napamura na rin tuloy si Senador Jinggoy Estrada, sa kinahihinatnan ng kanyang pagtatanong na walang makuhang tamang sagot mula sa ilalim ng kanyang pagsisiyasat, puro paghingi ng karapatang manahimik ang tugon sa kanyang mga tanong.
Maging ang madlang nakikinig ay napapailing na lang sa mga lagiang sagot ng mga nasabing pulis. Hayagan ang pagtatanong at maraming nakatunghay sa ‘Social Media,’ na mga interesadong mamamayan, kung ano na ang kahahatungan ng kasong ito. Ika ng isang nakahuntahan na naaawa sila sa mga matitinong pulis na patuloy na dinudungisan ng mga kabarong nalugmok sa karumal-dumal na gawain. Sila na mga bugok na dapat maparusahan.
Dahil sa walang balak magsalita ng maayos ang mga pinagdududahang ilang pulis ay pinarusahan na mabilanggo sa loob ng Senado. Balak din ni Senador Bato Dela Rosa, na bumuo ng grupong ‘Anti scalawags,’ sa hinaharap, kasama ang mga retiradong mga heneral na pulis sa PNP, laban sa mga ‘erring men in uniform.’
Tsk! Tsk! Tsk! basahin natin ang Agenda ng bagong luklok na Hepe ng PNP na si Maj. Gen. Benjamin Acorda Jr. Batay sa nakalap nating impormasyon na ating isina-tagalog, sinabi ni Acorda na ang ‘five-focus agenda’ ng kanyang ‘stint’ ay kinabibilangan ng pagpapatupad ng agresibo at tapat na mga operasyon sa pagpapatupad ng batas, pagbibigay ng ‘premium to the morale and welfare of police personnel,’ pagpapahusay ng integridad, pagpapaunlad ng teknolohiya ng impormasyon at komunikasyon at pagpapalakas ng pakikipag-ugnayan sa komunidad.
Ayon nga kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Acorda Jr., ay isang “kilalang” opisyal na maaaring “magpakalma ng sitwasyon” sa puwersa ng pulisya.
Sa ating pagkakaintindi, tayo ay naniniwala sa adyenda ni Acorda Jr., na walang puwang ang mga tiwaling pulis, na tuluyang umabuso na siraiin ang imahen ng pulisya. Sa tulong ng ating mga magagaling na Mambabatas sa Senado o maging sa mababang kapulungan, higit kung ang mga matitinong pulis ay makikipagtulungan na isiwalat ang mga hindi kaiga-igayang gawain ng mga ‘scalawags’ na patuloy na dumudungis sa kanilang uniporme, ay madaling masusugpo ang tangka ng kasamaan. Labanan ang tuksong dala ng bawal na gamot.
Hanggang sa muli! (UnliNews Online)