LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Sa kabila nang pagpapagamot sa sakit na kanser ni LA Tenorio, (nagpupunta kada dalawang linggo sa Singapore para sa chemotherapy), ay may panahon pa rin ang Ginebra San Miguel guard para sa ibang proyekto maliban sa basketball.
Makikita si LA bilang host ng bagong vlog na Sa’n Si Miguel na hangad na maipakita sa madla ang iba’t ibang proyekto ng San Miguel sa buong bansa.
“Gusto ko rin makatulong na ma-promote yung mga magandang proyekto at investments ng San Miguel sa buong bansa, at least sa mga fans na nag-follow sa akin. Sa mga hindi nakakaalam ay hindi lang inumin at pagkain ang ginagawa ng San Miguel ngunit pati na rin ang mga tollways at yung airport sa Bulacan. Marami rin ginagawa na agro-industrial complexes hindi lang investment ang madadala sa bawat bayan kundi magbibigay ng hanapbuhay sa maraming Pilipino.” Tenorio said.
Dagdag pa ni LA: “Mahalaga na malaman ng mga Pilipino na maliban sa pagpapasaya sa mga tao sa pamamagitan ng basketball ay may importanteng mga bagay na ginagawa ang San Miguel at si Boss RSA para mas mapabuti ang buhay nila.“
Tulad ng ibang personalidad, mas lalong naging aktibo si LA sa sa social media nung kasagsagan ng COVID-19 pandemic kung kalian maraming tao ang nanatili sa kani-kanilang mga bahay at nakatutok sa mobile phones at iba pang mga gadgets.
Sa kasalukuyan ay may accounts si LA sa Facebook (190,000 followers), Instagram (268,392 followers), Twitter (156,136 followers), at Youtube (26,100 followers).
Ito ay sapat para sabihih na isa siya sa mga atletang sinusundan sa bansa at sa Philippine Basketball Association.
Ayon kay Tenorio, kasama sa responsibilidad ng isang atleta ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga fans.
“Malaking bagay rin ang social media dahil paraan rin yun para magcommunicate sa mga fans, at kahit papaano ay makapag-impart tayo ng mga insights sa kung anu-anong bagay lalung-lalo na tungkol sa sports.”
Ang pagsuporta sa “Sa’n Si Miguel” ay isang paraan rin para makapakita ang kanyang pagpapasalamat kay SMC President and CEO Ramon S. Ang sa kanyang suporta sa kanyang karamdaman.
“Malaki ang pasasalamat ko sa suporta ni Boss RSA nung paglipat ko sa Ginebra mga sampung taon na ang nakakalipas, at ito ay isa sa pinakamagandang nangyari sa basketball career ko, “ani LA.
“Sa simula pa lang andyan si Boss RSA at si Boss Al Chua na tumulong sa akin at palagi nila akong tsinitsek kung okay ako at sinasabihan na huwag mag-alala ay magfocus lang sa pagpapagaling. Sa ngayon ay tinutulungan ko yung team as assistant coach at nagfofocus sa pagbibigay ng pointers sa mga players namin sa practice, “dagdag pa niya.
Di na makapaghintay si LA na matapos ang kanyang pagpapagamot upang makapaghanda na sa pagbabalik nya sa PBA.
“Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang pagpapagamot ko. Every two weeks ako pumupunta doon para sa sessions ko. Matagal pang proseso ito pero positive ako dahil so far maganda ang mga feedback ng mga doktor at syempre patuloy ang pagdarasal natin sa Diyos na mas bumilis pa ang paggaling ko. Basta naman andyan ang suporta at dasal ng pamilya, mga kaibigan, Ginebra fans at San Miguel family ay laban tayo.”
“Talagang hinahanap ng katawan ko ang paglalaro. Noong umabot nga kami sa finals last time ay talagang gustong gusto kong makatulong sa team. Awa ng Diyos ay makakabalik ako sa October pero importante na tapos na ang gamutan at kailangan ko ulit na magpakundisyon dahil kailangan ay ready ako pag pwede na maglaro at makatulong talaga sa team,” wika ni LA. (UnliNews Online)