Saturday, December 14, 2024
Amana Water Park
HomeNational NewsBulacan Pamana Pass, inilunsad para sa lokal na turista

Bulacan Pamana Pass, inilunsad para sa lokal na turista

LUNGSOD NG MALOLOS — Inilunsad ang Bulacan Pamana Pass na magsisilbing gabay sa 20 Pamanang Istraktura sa lalawigan para sa mga lokal na turista.

Ang mga ito ay patuloy na naipepreserba sa bisa ng Republic Act 10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009 at Republic Act 10086 o ang Philippine History Act of 2010.

Ayon kay Department of Tourism Regional Director Richard Daenos, dapat patuloy na maging bahagi ng komunidad at ng akademiya ang mga pamanang istrakturang ito sa kabila ng mabilis na industriyalisasyon at kaunlaran.

Kabilang sa mga tampok sa Bulacan Pamana Pass ang simbahan San Rafael, ang lumang Bahay Pamahalaan at simbahan ng San Agustin sa lungsod ng Baliwag, Gusaling Gabaldon sa Pulilan, at simbahan at simboryo ng Quingua sa bayan ng Plaridel, at Parokya ni San Juan Bautista sa bayan ng Calumpit.

Walong destinasyon naman sa Malolos ang nakasama sa Bulacan Pamana Pass na magsisimula sa Kapitolyo.

Kalapit naman nito ang brutalismong arkitektura ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center.

Sentro ng lahat ng destinasyon sa Bulacan ang simbahan ng Barasoain, na pinangyarihan ng pagbubukas ng sesyon ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 15, 1898 na nagratipika sa proklamasyon ng Kalayaan ng Hunyo 12.

Ito ang nagbalangkas at nagpatibay sa Saligang Batas ng 1899 noong Enero 21, 1899 na naging haligi at saligan upang maging Unang Republika ang Pilipinas sa Asya.

Malapit dito ang Casa Real De Malolos na maraming ginampanan sa kasaysayan mula sa pagiging tanggapan ng gobernadorcillio ng Malolos, na katumbas ng pagiging punong lungsod ngayon.

Mula sa Casa Real ay mararating nang ilang hakbang ang Katedral-Basilika ng Malolos na ngayo’y 206 na taong gulang na ang istraktura mula nang maitayo noong 1817.

Katabi nito ang 100 taong gulang na Aguas Potables na may taas na 80 talampakan na ipinatayo sa tulong ng mga Amerikano noong 1923 bilang bahagi ng noo’y minomodernisa na sistema ng suplay ng tubig.

Kasama rin sa ruta na nasa Bulacan Pamana Pass ang mga pangunahing bahay ng ilan sa mga Kadalagahan ng Malolos at ng kanilang mga lahi na nasa Kamistisuhan District sa barangay Sto. Nino.

Sa mga sinaunang istasyon ng tren ng dating Ferrocarril de Manila na ngayo’y Philippine National Railways, tampok ang istasyon ng Guiguinto kung saan naganap ang pag-aalsa ng nasa 200 Katipunero laban sa mga Kastila noong Mayo 27, 1898.

Habang ang Istasyon ng tren sa Meycauayan ay naging lugar kung saan nagkasagupa ang pwersa ng mga hukbong Pilipino at mananakop na Amerikano noong 1899 hanggang 1901. Kapwa naitayo ang nasabing mga istasyong ito noong 1891.

Sa pagitan ng nasabing mga istasyon, madadaanan ang Tahanang Angkan ng Constantino sa Balagtas na 1840 pa naitayo.

Matatagpuan ito sa gilid ng ilog Balagtas at sa harapan ng ngayo’y Manila North Road.

Magtatapos ang ‘pag-PASSyal’ sa Simbahan ng Meycauayan na nakahiwalay ang kampanaryo na naitayo noon pang 1668. Ibinalik sa orihinal na disenyo ang retablo o ang pangunahing altar noong 2020.

Kaugnay nito, hinikayat ni Gobernador Daniel Fernando ang mga Bulakenyo at ang mga lokal na turista na tangkilikin ang Bulacan Pamana Pass sapagkat hindi lamang ito aniya basta mga lugar, kundi isang simbulo ng kayamanan ng Bulacan sa larangan ng kultural, sining at kalinangan na nagsisilbing moog at pundasyon ng kasaysayan.

Libreng makukuha ang Bulacan Pamana Pass sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa lungsod ng Malolos mula Lunes hanggang Biyernes mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Kailangan lamang magrehistro dito at lagdaan ang waiver at ang Terms and Conditions. Sa loob ng anim na buwan, maaaring kumpletuhin ang pagpunta sa mga makakasaysayan at pook-pamana upang patatakan ang Bulacan Pamana Pass.

Tatanggap ng “PASSyal Pamana Badge” at sertipiko mula sa Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office ang makakakumpleto. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments