LUNGSOD NG MALOLOS — Sasamahan ni Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas Alexander G. Gesmundo ang mga Bulakenyo sa komemorasyon ng Ika-125 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas na gaganapin sa bakuran ng Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito sa Lunes (June 12).
Naka-angkla sa temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan”, magsisimula ang programa sa pagtataas ng watawat, Panunumpa ng Katapatan sa Watawat ng Pilipinas, at pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Hen. Emilio Aguinaldo na pangungunahan ng punong mahistrado kasama ang matataas na lokal na opisyal sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando.
Kasabay ng pagdiriwang ng programa sa Bulacan ang pagdiriwang din ng Araw ng Kalayaan sa Luneta Park, Maynila, at Kawit, Cavite.
Samantala, kasabay ng paggunita ng Araw ng Kalayaan, magsasagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports, and Public Employment Service Office ng 2023 Kalayaan Job Fair sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.
Sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Department of Migrant Workers, higit 9,000 bakanteng trabaho na magmumula sa 63 lokal na employer at 13 overseas na ahensiya ang maaaring aplayan ng mga Bulakenyong naghahanap ng trabaho.
Ayon kay Fernando, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga job fair, magkakaroon ng maraming pagkakataon ang mga Bulakenyo na makakuha ng trabaho na magdadala sa kanila sa pagtupad ng kanilang mga pangarap para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya.
“Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay atin ring bibigyan ng pagkakataon ang ating mga kalalawigan na lumaya sa kahirapan sa pamamagitan ng paglalapit sa kanila ng libu-libong oportunidad sa paghahanap-buhay,” anang gobernador.
Dagdag pa rito, magkakaroon ng mini trade fair ang Department of Trade and Industry Traders at ang DOLE Integrated Livelihood Program.
Gayundin, ilang community service kabilang ang gupit at masahe, at printing at photocopying ng mga dokumento ang iaalok ng libre sa pagdarausan ng gawain. (UnliNews Online)