MARILAO, Bulacan — Inihahandog sa pagdiriwang ng Ika-125 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas ang ginaganap na Kalayaan Tatak Bulakenyo Pinoypreneur Trade Fair sa SM City Marilao sa bayang ito hanggang sa Hunyo 12, 2023.
Tampok dito ang 21 micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Bulacan na pawang nasa klasipikasyon at benepisyaryo ng One Town, One Product o OTOP Program ng Department of Trade and Industry o DTI.
Ayon DTI- Central Luzon Officer-in-Charge Assistant Regional Director at siya ring DTI-Bulacan Provincial Director Edna Dizon, sila ay representasyon ng nasa 100 na matatagumpay na OTOP sa Bulacan kung saan 5% sa kanila ay may license to operate o LTO at product certification mula sa Food and Drug Administration o FDA.
Bukod sa layuning matulungan ang nasabing mga MSMEs na may mga produktong nasa ilalim ng OTOP, naging pagkakataon din ito upang isulong ng DTI- Bulacan na mas marami pang MSMEs ang makapasa sa pamantayan ng FDA.
Sa pagiging sertipikado ng FDA, maiaangat ang antas ng kalidad ng lasa, packaging, shelf life, produksiyon, kalinisan, inobasyon at gayundin ang pagtitiyak na sapat ang nutrisyon na laman nito.
Isa ang sertipikasyong ito sa pangunahing rekisito upang ang isang MSMEs ay makapasok at makalahok sa mas malalaking trade fair gaya ng katatapos na International Food Exposition o IFEX 2023 at iba pang international fairs.
Binigyang diin ni Dizon na uubrang magamit ng mga MSMEs ang ang Resilient, Innovative, Sustainable Enterprises to Unleash your Potential o RISE-UP Multipurpose Loan ng Small Business o SB Corporation, upang masuportahan sa mga gastusin sa mga proseso at sistema na dapat gawin tungkol sa pagkuha ng LTO at product certification FDA.
Kailangan aniyang magamit nang husto o mapataas ang utilization ng P7 bilyon na inilaan sa SB Corporation mula noong 2022.
Sa Bulacan, nasa P160 milyon na halaga ng pautang mula sa SB Corporation ang naipalabas sa may 788 na mga MSMEs. Maliit na bahagi lamang ito ng nasa 45 libong rehistradong MSMEs.
Kaugnay nito, iniulat din ni Dizon na sa pagpasok ng unang bahagi ng 2023, nasa 6,886 na mga bagong MSMEs na nabigyan ng business names ng DTI-Bulacan. Mas mataas ito ng 38.11% o 4,986 na mga MSMEs na nabuksan sa kaparehong panahon noong 2022. (UnliNews Online)
Source: Bulacan PIA