MULI ay nakatanggap ang Katropa ng hinaing mula sa kasapi ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU,) at nais nilang iparating sa bagong Kalihim ng Department of National Defense (DND) Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., narito ang mensahe ng ating tagasubaybay na ayaw pabanggit ang kanyang alyas sa Social Media: “Good morning Sir, kumusta po. Pwede n’yo po iparating ang aming hinaing sa bago nating DND Sec. Teodoro, na madagdagan ang aming allowance at dagdag benepisyo namin na mga CAFGU.
Sir, kawawa naman po kami may binubuhay pa kaming pamilya at may pinapaaral pang mga anak kami. Sir at mahal pa sa ngayon ang mga bilihin. Sana po gawing ATM na lang ang pagpapadala sa aming allowance, para direct sa amin, at sana po kapag December may bonus din kami na matatanggap at kung ano din Ang benepisyo ng sundalo, sana ganun din sa amin na mga CAFGU, buwis-buhay din kami.
Sana po I-upgrade din nila ang mga baril namin. Kasi po sina-unang panahon pa ang mga baril na iba, kagaya ng garand at carbine. Sir sana po matulungan n’yo kami na makarating Kay DND Sec. Teodoro ang aming hinaing.
Sir maraming salamat sana matulungan n’yo po kami, kayo na lang pag-asa namin kasi po sa MEDIA kayo. Maraming salamat po, God bless.”
Tsk! Tsk! Tsk! Iparating na din natin sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP,) The Philippine Army (PA) ang suliranin ng ating CAFGU. Batay sa tala, ang mga yunit ng organisasyon ng CAFGU ay pinangangasiwaan ng, at sa ilalim ng kontrol sa pagpapatakbo ng mga regular na yunit ng Armed Forces of the Philippines.
Ang mga batalyong infantry ng Philippine Army na nakatalaga sa tungkuling ito ay tinutukoy din bilang “Cadre Battalions.” Ang pag-deactivate ng mga yunit ng CAFGU na nakatalaga sa mga batalyong ito ay nagreresulta sa pagbabalik ng kanilang katayuan bilang mga regular na batalyon ng infantry.
Ang mga yunit ng CAFGU ay inatasang pigilan ang muling pagpasok ng mga rebelled sa mga komunidad, na naalis na sa kanilang impluwensya sa pamamagitan ng mga operasyong pang-kombat, na isinasagawa ng mga regular na yunit ng Armed Forces of the Philippines.
Ang mga unit ng CAFGU ay inisyuhan ng maliliit na armas; karaniwang M1 Garand, M-14, o M-16 rifle, at tumatanggap ng buwanang stipend na Php 4,500.00. Muli ano ang gawain ng CAFGU?
Ang mga yunit ng CAFGU ay mga bahagi ng AFP Ready Reserve na nakadetalye sa Military Auxiliary Service. Artikulo X, Sec. 61, sub-paragraph 2 ng Republic Act 7077 ay naglalarawan ng ganitong uri ng serbisyo bilang mga sumusunod: Ang serbisyong pantulong sa militar ay nangangailangan ng mga serbisyong ibinibigay sa pagtugon sa banta ng lokal na insurhensiya.
Kailangan naman bigyan ng pansin ng ating pamahalaan ang hinaing na ito. Ika nga ng nagpadala ng liham ay mga buwis-buhay din sila.
Maraming salamat sa inyong mensahe, at nawa’y mabigyan kayo ng pansin ng ating pamahalaan. Mabuhay kayong mga kasapi ng CAFGU. (UnliNews Online)