MANILA — Hinikayat ni Senador Alan Peter “Compañero” S. Cayetano kamakailan ang mga Kristiyano na patuloy na mangaral laban sa pagsusugal, dahil ang pagbabawal sa mga naturang aktibidad – tulad ng ginawa ng kanyang sariling lungsod ng Taguig – ay susi sa pag-unlad sa bansa.
Sa isang mensahe sa mga worship leader sa “Laging Magwoworship” convention na ginanap sa Cuneta Astrodome noong Hunyo 12, sinabi ni Cayetano na naniniwala siyang ang national transformation ay maaaring makamit sa pamamagitan ng regular na pangangaral ng Salita ng Diyos at ng tapat na pamumuhay ng mga mananampalataya.
Aniya, sinimulan na nilang gawin ito ng kanyang asawang si City of Taguig Mayor Lani Cayetano sa kanilang sariling lungsod sa kabila ng mga malaking hamon.
“Kaming mag-asawa, minsan po nagpe-preach at nagtatrabaho, tapos makikita namin may change. Tapos lumingat lang kami, halimbawa nawala lang si Lani, bumalik na naman. Minsan tinuturuan din kami ni Lord,” wika niya.
Ayon sa senador, na nanalo ng puwesto sa Senado noong nakaraang taon sa isang faith-based at values-oriented platform, ang pamunuan ng kanyang lungsod ay nagpupursige sa regular na pangangaral ng Salita ng Diyos lalo na sa paglalapat nito laban sa lahat ng anyo ng pagsusugal.
“Wala pong sugal sa Taguig. Pinagbawal po namin ang casino pagdating ni Lani. May gusto rin magtayo ng sabungan at nagdonate pa ng lupa. Pero sabi namin isasauli na lamang namin y’ung lupa,” aniya.
Nagbunga ang kanilang paninindigan para sa Diyos nang magpasya ang donor na ibigay ang lupa kahit na hindi sila pinayagang magtayo ng sabungan.
“Awa ng Diyos, sabi kahit hindi itayo ang sabungan, ituloy namin ang paggamit ng lupa. Kaya magkakaroon kami ng bagong ospital doon sa lupa na ibinigay,” wika niya.
Sinabi ng senador na noong nagpasya ang Taguig na huwag payagan ang mga casino, nagsimulang pagpalain ng Diyos ang lungsod. “N’ung hindi rin po namin pinayagan ang pagtayo ng casino, doon po umusbong ang Fort Bonifacio kung saan ngayon ay central business district na siya ng ating bansa,” aniya.
Gayunpaman, sinabi ni Cayetano na hindi pa tapos ang trabaho dahil nariyan pa rin ang banta ng online cockfighting.
“May nakalimutan kami. Dahil wala pong sugal sa Taguig, hindi na po kami nagpreach against gambling. Pero nagkaroon ng e-sabong. Ang daming tumaya dahil hindi nila narinig ang salita ng Diyos,” wika niya.
Ito ang dahilan kung kaya’t hinikayat ni Cayetano ang daan-daang worship leaders sa pagtitipon na maging “good soil” at maging bukas sa Salita ng Diyos upang tanggapin nila ito at ibahagi ito sa iba.
Dagdag niya na dito pumapasok ang importansya ng kanilang pangunguna sa pagsamba.
“Worship sets the mood to hear God’s word,” sabi niya. “It allows people to hear the message so that it bears fruit.”
“Where do you hear the word of God? Hindi ba by reading and hearing? Kaya kayo pong worship leaders, you are doing a very important job for believers in setting the mood to hear God’s Word,” dagdag niya. (UnliNews Online)