BALER, Aurora — Nasa 76 surfing instructor sa Baler, Aurora ang sumailalim sa Service Quality Improvement Training (SQIT) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang SQIT ay isang espesyal na programa na naglalayong palakasin ang industriya ng turismo sa pamamagitan ng pagbibigay ng capacity building para sa productivity improvement at competitiveness.
Ayon kay DOLE Aurora Field Office Chief Antonio Sicat Jr., mahalaga ang mga ganitong programa sa mga kalahok dahil mapapabuti nito ang kasanayan at kalidad ng serbisyo patungo sa mas maunlad na industriya sa lalawigan.
Sinabi naman ni Central Luzon Regional Tripartite Wages and Productivity Board Secretary Kenneth Liza itataas nito ang antas ng paghahatid ng serbisyo ng mga surfing instructor at gawing propesyonal ang kanilang hanay.
Bukod sa capacity building program, ang mga lumahok na surfing instructor ay tumanggap din ng mga rash guard at first aid kit mula sa DOLE para mas mapaganda ang kanilang propesyonal na imahe.
Magkakaroon muli ng isa pang capacity building program para sa natitira pang 64 na mga surfing instructor.
Source: PIA Region 3