BALER, Aurora — Nasa 200 free range chicken ang ipinamahagi sa may 20 dating rebelde sa Aurora bilang tulong pangkabuhayan ng pamahalaan.
Pinangunahan ng 91st Infantry Battalion (91st IB) at Department of Agriculture ang pamamahagi sa mga miyembro ng Sambayanan Association.
Ayon kay 91st IB Commander Lt. Col. Julito Recto Jr., ang programa ay bahagi ng patuloy na suporta sa mga dating rebelde habang sila ay muling isinasama sa lipunan at sinisimulan ang mapayapang buhay kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Samantala, sinabi ni Aurora Agricultural Program Coordinating Officer Zenaida Castañeda na magbibigay din sila ng serye ng mga pagsasanay at seminar upang maiangat ang kanilang napiling kabuhayan, maging mas produktibo, at mabawasan ang kahirapan sa mga dating rebelde.
Sa isang pahayag, nagpasalamat si Sambayanan Association President Edgar Baldonade sa tulong mula sa pamahalaan.
Ang patuloy na pagbibigay ng tulong aniya ay isang manipestasyon na ang gobyerno ay taos-puso na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa lalawigan ng Aurora.
Ipinangako din Baldonade na buong sikap nilang papalaguin ang panimulang kabuhayan na kanilang natanggap para sa katagumpayan ng kanilang grupo at komunidad.
Source: PIA Region 3