Tuesday, March 11, 2025
Amana Water Park
HomeProvincial NewsAktuwal na konstruksiyon ng Third Candaba Viaduct sa NLEX, sinimulan na

Aktuwal na konstruksiyon ng Third Candaba Viaduct sa NLEX, sinimulan na

PULILAN, Bulacan — Nagsimula na ang pagbabaon ng mga pundasyon para sa itatayong Third Candaba Viaduct ng North Luzon Expressway o NLEX mula sa bahagi nito sa Pulilan, Bulacan hanggang Apalit, Pampanga.

Pinangunahan ni House of Representatives Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pormal na paglulunsad ng konstruksiyon sa barangay Dulong Malabon sa Pulilan, Bulacan.

Base sa disenyong iprinisinta ng NLEX Corporation na inaprubahan ng Toll Regulatory Board o TRB, itatayo ang ikatlong viaduct sa gitna o sa pagitan ng northbound at southbound viaducts ng NLEX na may habang limang kilometro.

Ayon kay Luigi Bautista, pangulo ng NLEX Corporation, may halagang P7.89 bilyon ang inilaan para sa proyektong ito na pinondohan ng korporasyon bilang bahagi ng konsesyonaryo upang ipreserba, pangalagaan, pahabain at patuloy na gawing moderno ang NLEX.

Ipinaliwanag niya na dahil ang Third Candaba Viaduct ay itatayo sa gitna, magsisilbi itong haligi at saligan ng dalawang matatandang viaducts.

Para kay Speaker Romualdez, ang pagtatayo ng Third Candaba Viaduct ay pagpepreserba sa halos 50 taong gulang na istraktura. Inalala rin niya na isa ang Candaba Viaduct sa mahahabang tulay na ipinatayo sa panahon ng noo’y Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr. sa tulong ng World Bank.

Naitayo ang northbound lane ng Candaba viaduct o ang direksiyon patungo sa Pampanga mula taong 1974 hanggang 1977. Habang ang southbound lane nito o ang direksiyon na paluwas sa Metro Manila ay naitayo mula taong 1977 hanggang 1985.

Viaduct ang tawag sa isang uri ng tulay na mahigit sa isang kilometro ang haba.

Binigyang diin naman ni Speaker Romualdez na ang pagsasakatuparan ng Third Candaba Viaduct ay bahagi ng Build-Better-More Infrastructure Program sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr.

Patotoo aniya ito na buhay na buhay at epektibo ang Public-Private Partnerships o PPP bilang modality sa pagtatayo ng mga imprastraktura.

Tiniyak naman ni Department of Public Works and Highways o DPWH- Central Luzon Regional Director Roseller Tolentino na pasado sa bridge design requirements ng Pilipinas ang inheneriyang disenyo ng bagong Candaba Viaduct.

Halimbawa na rito ang 20 metro na agwat sa bawat poste kung saan may nakabaon na tig dalawang haligi at mga pundasyon.

Kapag natapos ang proyekto sa Nobyembre 2024, magiging isang istraktura na ang Third Viaduct at ang dalawang lumang viaducts. Magiging tig-apat na linya na ang magkabilang direksiyon nitong Candaba Viaduct.

Sa ibabaw ng Third Viaduct padaanin ang lahat ng uri ng trucks at iba pang mabibigat na mga sasakyan.

Pwede na ring makapagpatakbo ng sasakyan sa bilis na 60 hanggang 80 kilometers per hour o kph mula sa kasalukuyan na limitado lamang sa 40 hanggang 60 na kilometro.

Kaugnay nito, kasabay ng pagsisimula ng konstruksiyon ng Third Candaba Viaduct, nasa kasagsagan ang ginagawang pagpapalit ng girders at slab sa southbound at northbound viaducts.

Sa ulat ni Toll Regulator Board o TRB Executive Director Alvin Carullo, 25 link-slabs sa southbound lane ng Candaba Viaduct ang napalitan na mula Hulyo 2020 hanggang Hunyo 2021. Habang 13 na link-slab sa northbound lane ng viaduct ang napalitan na rin mula Pebrero hanggang Agosto 2022. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

Manny D. Balbin
Manny D. Balbinhttp://unlinews.org
Emmanuel "Manny" Dineros Balbin, founder and editor-in-chief of UNLINEWS ONLINE and UNLINEWS Digital Newspaper, is a former seminarian of Oblates of Mary Immaculate (OMI) in Notre Dame University Seminary in Cotabato City. Graduated college with Philosophy and Political Science courses at the University of Santo Tomas, Legazpi City. A former Journal Group of Publication (People's Journal, People's Tonight, Taliba & Women's Journal) staffer for 17 years. Before, he simultaneously contributed news articles to 3 local newspapers in Bulacan (NewsCore, MetroNews & NewsWatcher). He is the founder and the former editor-in-chief of RONDA Balita, both in weekly newspaper and online news. A former Kabayan provincial reporter, 2010 Bulacan election correspondent by Rappler and presently, a stringer of Philippine News Agency (PNA) Bulacan.
RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments