LUNGSOD NG MALOLOS — Sa layuning matiyak ang matibay na suplay ng abot-kaya at dekalidad na mga produktong agrikultural para sa mga mamimili, pinalakas nina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro ang paglulunsad ng Katuwang sa Diwa at Gawa Para sa Masaganang Ani at Mataas na Kita (KADIWA) ng Pangulo 2023 sa lalawigan nu’ng Monday (July 17) sa harap ng Bulacan Capitol Gymnasium dito kasabay ng grand launch sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga.
Binili ni Fernando ang karamihan sa mga produktong tampok at ipinamigay ang mga ito sa mga Bulakenyong dumalo sa aktibidad na binubuo ng Mother Leaders, Lingkod Lingap sa Nayon, mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) at Barangay Health Workers.
Sa pangunguna ng Provincial Administrator’s Office, Provincial Agriculture Office at Provincial Cooperative and Enterprise Development Office sa pakikipagtulungan ng DTI, DSWD, DOLE, NFA and DILG, may kabuuang 39 exhibitors sa Bulacan ang lumahok sa programa na kumita ng may kabuuang P550,734 na kinabibilangan ng small enterprises, local manufacturers, mga magsasaka at mangingisda.
Samantala, pinangunahan naman ni PBBM ang pagpirma sa memorandum of agreement para sa pagtatatag ng Kadiwa ng Pangulo (KNP) sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa sa pamamagitan ng Zoom conference kung saan 82 iba pang mga lalawigan at 16 na mga munisipalidad sa bansa ang nakiisa sa sabayang pagsasagawa ng mga aktibidad ng KNP.
Sa kabila ng modernisasyon sa lalawigan, inihayag ni Fernando ang kanyang suporta sa Bulacan bilang isang agrikultural na lalawigan at sinabi na marapat lang na gabayan ng pamahalaan ang mga komunidad nito tungo sa pagiging self-sufficient.
“Sa mithiin pong ito, malaki ang papel ng ating local government units upang maipatupad ng maayos at mapalawig ang sakop ng KNP sa ating komunidad. Ang tunay pong kahulugan ng hatid nating serbisyo-publiko ay ang tulungan ang ating mga kababayan na tumayo sa sarili nilang mga paa. Kailangan nating maging self-sufficient upang malampasan ang mga pagsubok ng panahon at upang yakapin ang progresong dumarating sa atin,” anang gobernador.
Ang Kadiwa ng Pangulo ay isang direct-to-consumer marketing strategy na kapawa sinusuportahan ang mga magsasaka at mga mamimili sa pamamagitan ng pagbibigay ng makatarungang kita sa mga magsasaka habang nag-aalok ng mga mura at abot-kayang produkto sa publiko. (UnliNews Online)