MAGNANAKAW! Kawatan! Mang-uumit! Mandarambong! Masasamang loob! Ito ang mga katagang talagang masasambit ng biktimang nalaslasan at ninakawan ng mga importateng bagay sa kanyang lukbutan.
Hindi inaasahang pagkakataon ay napadako tayo sa Karihan nila Myrna at Noel, sa bayan ng Sta, Maria, Bulacan, bandang hapon ng Sabado, Hulyo 15, 2023, doon ay ating nakita ang isang ginang na naguumiyak, habang isinasalaylay sa magasawang Noel at Myrna ang kanyang naging mapait na kapalaran ng araw na iyun, ng sumakay siya ng jeepney, na biyaheng Sta. Maria at Angat, pawang mga bayan sa Lalawigan ng Bulacan.
Ang ginang na mistisahin na may makinis na kutis at nasa hustong gulang, ay nagsabing may lumaslas ng kanyang bag na may lamang perang umaabot sa walong libong piso, isang celpon na Samsung at mga ID tulad ng GSIS. Aniya, hindi niya alam kung saan nangyari ang paglaslas.
Ang inyong Katropa ay nagpakilala at nagtanong kung nasaan ang laslas? At inilabas nito ang bag na may hiwa na nakapaloob sa isang plastic bag na aniya, ay may nagbigay sa kanya ng naturang plastic bag sa nabanggit na Simbahan.
Ayon sa biktima na nakiusap ng huwag na siyang ipakilala, ay nagsabing,“ papunta ako sa Simbahan ng Sto. Cristo, Siling Bata, Pandi. Nang ako ay bumaba sa jeep, at kinapa ko ang aking celpon, gayundin ang aking pitaka, kung saan andoon ang aking perang 8K pesos at mahahalagang pagkakakilanlan, ay wala na. Dito ay napansin ko na may malaking hiwa sa gilid ng aking bag. Matapos niyon ay inireport ko sa pulisya.”
Tsk! Tsk! Tsk! Binanggit pa niya na kaya siya ay sumakay ng jeep, papunta sa kanyang paroroonan, ay dahil nasa pagawaan ang kanyang kotse at siya ay isang empleyada ng gobyerno, Nabanggit pa nito siya ay naglakad lamang mula sa Brgy Siling Bata, Pandi, papunta sa Karinderya ng magasawang Noel at Myrna, na umaabot sa humigit kumulang sa 7 kilometro ang layo. Dahil sa awa ng magasawang Noel, ay hinikayat nitong kumain sa kanilang restawran ang ginang, at ayon kay Myrna, dahil sa awa ay bibigyan niya ito ng pamasahe pauwi mula Bulacan hanggang sa sakayan sa Buendia, Makati, pauwi ng Lucena City.
Habang nakatitig ako sa tilang may pinag-aralang ginang ay hindi ko mawari ang ‘energy’ nito sa paglalakad ng malayo. Naisip ko na dahil sa kanyang abang kalagayan, magmula sa Simbahan ng Sto. Cristo, ay tiyak na may magbibigay sa kanya ng pamasahe o ihahatid siya sa terminal ng mga sasakyan sa Sta. Maria, Bulacan.
Nang mga sumandaling iyun, ay naging malikot ang aking isip, kung totoo nga ang pangyayaring kanyang isinalaysay sa amin? Hindi ko mawari kung ako ay maniniwala at maaawa, o magiisip na ito ay isang pamamaraan lamang para kumita ng pera o modus operandi? Kaawa-awa, sa panahon ng tag-hirap ay maraming umuusbong na masasamang gawain, tulad ng nasasaad dito. Magkagayunpaman, ingatan ang ating mga gamit laban sa mga masasamang loob, sa mga magnanakaw at mapanlinlang. Hanggang sa muli. (UnliNews Online)