LUNGSOD NG MALOLOS — Nakipagpulong si Congressman Danny “DAD” A. Domingo ng Unang Distrito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineering Office sa pangunguna ni District Engineer Henry C. Alcantara at mga division chiefs nito kamakailan.
Kabilang din sa naturang pagpupulong si Provincial Engineer Glenn D. Reyes, upang talakayin ang malawakang pagbaha sa Unang Distrito ng Bulacan lalo na nitong mga nakaraang araw.
Kasama sa mga napag-usapan ang kinakailangang pagpapalinis sa mga drainage canals at pagsigurong walang obstruksyon sa pagtakbo ng mga ito, at pagtukoy kung saan ilalagay ang mga flood gates at pumping stations sa iba’t-ibang bayan ng Distrito para agarang maibsan ang suliraning dulot ng pagbaha.
Matatandaan na isa sa mga commitment na nakuha ng nasabing Kinatawan mula sa DPWH noong Hunyo ang konstruksyon ng flood gates at pumping stations.
Dumalo din si Domingo kasama ang iba pang opisyal ng Bulacan, sa ginanap na Technical Working Group Meeting ng House Committee on Public Works and Highways para sa pagbalangkas ng kinakailangang batas para masolusyunan ang pagbaha sa probinsya na ginanap sa Speaker Villar Hall, South Wing Annex House of Representatives.
Idinaos ang pagpupulong upang pagtibayin ang mga panukalang batas na siyang susuporta sa apela ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan upang magkaroon ng permanenteng solusyon sa deka-dekada ng problema sa pagbaha kabilang na ang House Bill No. 492 ni Rep. Stella Luz A. Quimbo; House Bill No. 3148 ni Rep. Ambrosio “Boy” C. Cruz, Jr.; House Bill No. 6559 na akda ni Rep. Florida “Rida” P. Robes; at House Resolution No. 614 nina Kinatawan Danny A. Domingo, Augustina Dominique C. Pancho at Lorna C. Silverio. (UnliNews Online)