CAMP ALEJO SANTOS, Malolos — Siyam na hinihinalang tulak ng iligal na droga ang naaresto sa inilatag na anti-illegal drug operations ng Bulacan police sa ilang bayan at lungsod nu’ng Sabado (Aug. 5).
Sa ulat na nakarating kay Col. Relly Arnedo, Bulacan provincial director, nasakote ang mga naturang drug suspek sa mga isinagawang serye ng anti-illegal drug operations na isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Cities of Meycauayan, San Jose del Monte, Malolos, Bocaue at Pulilan.
Kinilala ni Arnedo ang mga nadakip na suspek na sina Ria Joanna Ramos, Saida Baguan, Fernando Salbador, Alvin Nabata, Charito Gamboa (pawang mga nasa drug watch list ) Mary Ann De Jesus, Edison Dacer, Froilan Crisostomo,, at Maria Rosana Velasco.
Nakumpiska sa mga suspek ang 24 na plastic sachets ng hinihinalang shabu na may may bigat na 58 grams na may halagang P386,988 at bust money.
Ang mga suspek at ang mga nasamsam na iligal droga ay dinala sa Bulacan Forensic Unit para sa eksaminasyon.
Ang dedikadong pagsisikap ng Bulacan police laban sa maigting na kampanya laban sa iligal na droga ay naaayon sa patnubay ni Brig. Gen. Jose S. Hidalgo Jr. (UnliNews Online)