LUNGSOD NG MALOLOS — Dumalaw sa lalawigan ng Bulacan nitong araw ng Lunes (Aug. 7) si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para personal na makita ang naging epekto ng pagbaha na idinulot ng mga Bagyong Egay at Falcon kasama na rin ng ulan na dulot ng hanging habagat.
Inilatag naman at inulat ni Gov. Daniel R. Fernando kay Pangulong Marcos ang mga pinsalang dulot ng malawakang pagbaha sa lalawigan at kasabay nito ang paglatag ng mga posibleng solusyon o mga istratehiya para tugunan ang baha sa ginanap na situational briefing sa Mariano Ponce Hall, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa nabanggit na lungsod.
Ipinaliwanag ng gobernador sa Pangulo na kinukonsidera nila na ang pangunahing naging sanhi ng pagbaha sa lalawigan ay ang pagpapakawala ng Bustos Dam ng 700 cubic meter per second ng tubig.
Sinabi rin nito na base sa ulat ng National Irrigation Administration, umapaw ang Asana Creek at ang tubig nito ay nagbackflow sa mga kanal ng tubig irigasyon dahil ang landas ng sapa ay naharangan ng ginawang bypass road.
Kabilang din sa naging sanhi ng pagbaha sa lalawigan ay ang backflooding mula sa mga lalawigan ng Pampanga at Nueva Ecija na dumadausdos pababa sa Bulacan. Nakasama rin ang high tide sa Manila Bay na nakakapigil sa tuluyang paglabas ng tubig baha dito.
Iniulat pa ni Gobernador Fernando sa Pangulo na may iba pang nagiging sanhi ng pagbaha sa lalawigan tulad ng high tide, urbanization at construction of private infrastructure tulad ng subdivision, silted waterways, unplanned construction of drainages at ang on-going construction ng North Rail Transit.
Nagrekomenda din ang gobernador sa Pangulo para mabigyan solusyon ang pagbaha sa lalawigan ng mga karagdagang estratehiya tulad ng malawakang dredging ng mga panloob na daluyan ng tubig, ang paglikha ng Department of Water Resources Management, pagtatayo ng mga elevated bypass road, karagdagang water reservoir sa kabundukan at pagtatayo ng mga water impounding areas sa mababang lupain.
Bukod dito, ayon pa kay Fernando ay kailangan din ng mga karagdagang water reservoirs sa mga kabundukan ng Bulacan at paggawa ng mga water impounding dams sa mga kapatagan ng lalawigan at ang paggawa ng coastal road mula Cavite hanggang Bataan na magsisilbi rin bilang dike laban sa high tide ng Manila Bay.
Kumbinsido naman ang Pangulo na may pangangailangan ng isang flood management plan, na ayon sa kanya ay mayroon naman at kailangan na lang maipatupad ng maayos.
Sinang-ayunan rin ng Pangulo ang pangangailangan sa mabilisang implementasyon ng mga water reservoirs at mga water impounding dams sa lalawigan na pwede ring pagkunan ng tubig irigasyon ng mga magsasaka.
Sinabi rin ng Pangulo na pangunahing solusyon para maibsan ang pagbaha ay ang pagdraga sa mga waterways ng lalawigan kaya ipinag-utos niya na ilipat muna sa lalawigan ang mga dredging equipment sa ibang probinsya na hindi gaanong nasalanta ng pagbaha.
Ipinag-utos din ng Pangulo sa DPWH na tingnan at bigyan ng solusyon ang mga naapektuhang sapa sa Bulacan dahil sa pagtatayo ng by-pass road.
Kasamang inulat ni Gov. Daniel sa Pangulo ang kabuuang pinsala sa Bulacan ng hanging habagat na pinalakas ng bagyong Egay at Falcon.
Ayon sa gobernador, ang kabuuang pinsala sa agrikultura at pangisdaan ay P244,410,675 habang sa livestock at poultry ay aabot sa P24,260,800 at kabuuang 500,000,000 sa imprastraktura.
“Ang kabuuang halaga ng nilikhang pinsala ng habagat at ng dalawang magkasunod na bagyo ay P768,671,475,” dagdag pa ng gobernador.
Inulat din ng gobernador ang nangungunang 10 lungsod at munisipalidad na lubhang naapektuhan ng nakaraang kalamidad ay ang Calumpit, Hagonoy, San Rafael, Angat, Marilao, San Miguel, Pulilan, Lungsod ng Malolos, Paombong at San Ildefonso.
“Kaya ang mga Bulakenyo ay dumudulog sa inyo Pangulong Marcos na tulungan kami sa kinahaharap naming pagsubok dulot ng matinding baha na halos tumagal ng isang Linggo at maraming salamat sa personal na pagbisita sa aming lalawigan,” pagtatapos ni Gov. Fernando. (UnliNews Online)