PORMAL nang isinagawa ang pagpapasinaya sa flood control project sa kahabaan ng Calumpang Section ng Angat River sa Norzagaray, Bulacan kamakailan.
Pinangunahan ang naturang pagpapasinaya nina Public Works and Highways Bulacan 2nd District Engineer George Santos at Bulacan 6th District Representative Salvador Pleyto kasama ang mga opisyal ng DPWH at mga opisyal ng bayan ng Norzagaray.
Sa naging pahayag ni Pleyto, pinasalamatan nito si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa iba pang pangunahing opisyal ng pambansang pamahalaan sa pagbibigay prayoridad at pagtulong sa kanila sa pagpapatupad ng nasabing proyekto.
“Mahigit sampung taon na ang nakakalipas, Hunyo 2011 nang magsimulang gumuho ang lupa dulot ng walang tigil na ulan sa lugar ng Calumpang, Poblacion, Norzagaray, Bulacan, ang insidente na ito ay nagdulot ng takot at pangamba sa mga mamamayan na naninirahan. dito lalo na tuwing sasapit ang panahon ng tag-ulan,” ani ng congressman.
Sinabi rin ni Pleyto, na kasalukuyang nagsisilbi sa kanyang unang termino bilang kinatawan ng ika-6 na Distrito ng lalawigan, na sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan, maiibsan ang matagal nang pangamba ng mga residente ngayong naitakda na ang pagtatayo ng istrukturang ito para sa proteksyon ng baha.
Samantala, ipinaliwanag naman ni District Engineer Santos na madalas na ang mga insidente ng pagbaha at riverbank failure sa lugar at ito ang nag-udyok sa DPWH na ipagpatuloy ang pagtatayo ng mga flood protection structures na makatutulong upang maiwasan ang pag-apaw ng ilog.
“Ang proyektong ito ay mahalaga sa mga residente, lalo na sa mga nakatira malapit sa mga daluyan ng tubig, dahil makakatulong ito na maprotektahan sila mula sa panganib ng pagbaha,” sabi ni Santos.
Kasama sa P57-milyong proyekto na pinondohan sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act ang pagtatayo ng 286-lineal meter slope protection structure at inaasahang matatapos sa Oktubre 2023. (Unlinews Online)