LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan — Personal na dinala ni Senador Sherwin Gatchalian ang kanyang tulong at ng lungsod ng Valenzuela sa mga Bulakenyong lubhang naapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng mga Bagyong Egay at Falcon at southwest monsoon o habagat kamakailan.
Nasa walong bayan kabilang ang Calumpit, Hagonoy, San Miguel, Pandi, Guiguinto, Obando, Plaridel, Paombong at lungsod ng Malolos ang mabibiyayaan ng agarang tulong ng senador.
Umabot sa 4,160 sako ng bigas na may kabuuang halagang P5.2 million ang dala ng naturang senador na ibabahagi sa mga Bulakenyong nalubog ng malawakang pagbaha.
Ani ni Sen. Gatchalian, hanggang sa huli ay tutulong at tutulong sa lalawigan ng Bulacan ang lungsod ng Valenzuela.
“Makikipagtulungan din ang inyong lingkod kay Gov. Daniel Fernando upang makagawa ng isang pangmatagalang solusyon sa baha na dekada nang nagpapahirap sa mga Bulakenyo,” ani Sen. Gatchalian.
Buong pusong nagpasalamat si Gov. Daniel kay Sen. Gatchalian dahil sa mga suporta at tulong na laging pinaaabot nito sa mga Bulakenyo tuwing nahaharap sa kalamidad.
“Sen. Gatchalian, maraming salamat at hindi mo kami nakakalimutang tulungan, ang iyong kapwa Bulakenyo tuwing nahaharap sa matinding pagsubok ng buhay,” dagdag pa ng senador.
Sinabi naman ni Rowena Tiongson, hepe ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang bilang ng mga sako ng bigas na makukuha ng kada bayan at lungsod na siyang mamamahagi sa kanilang mga kababayan na naapektuhan ng baha. (UnliNews Online)