PANDI, Bulacan — Pormal nang isinagawa nu’ng Sabado ng umaga (Aug. 12) ang groundbreaking ceremony ng sikat na fastfood chain sa bansa ang Jollibee Pandi na matatagpuan sa Barangay Mapulang Lupa.
Ang naturang seremonya ay pinangunahan ni Mayor Rico Roque kasama si Bokal Ricky Roque, Vice Mayor Lui Sebastian at mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Pandi, Municipal Administrator Arman Concepcion at Irma at Servando Ramos, franchisee ng Jollibee Pandi.
Sa maiksing mensahe ni Mayor Roque, nagpasalamat ito sa Panginoon sa mga biyayang ipinagkakaloob sa bayan ng Pandi at sa Jollibee Corporation dahil sa pagtatayo ng sangay nito sa naturang bayan.
“Napakagandang oportunidad ang dumating sa ating bayan. Tunay na napakasaya ng mga Pandieño dahil ang dating pangarap lang na Jollibee store at tinatanaw-tanaw lang sa ibang bayan ay matutupad na,” dagdag pa ng alkalde.
Nais ding pasalamatan ng alkalde si Redgie Antonio, ang taong naging abala upang tuluyan nang magkaroon ng sangay ang sikat na fastfood chain sa Pandi.
Sinabi naman ni Bokal Ricky Roque na ang dating pangarap lang natin, ngayon ay matitikman na at tanaw na tanaw na ng mga Pandieño.
“Kung dati ay sumisilip lang si Jollibee, ngayon ay nandito na. Ang pangarap ng mga Pandieño ay natupad na. Jolly morning sa ating lahat,” dagdag pa ni Bokal Roque.
Ayon naman kay Irma Ramos, franchisee ng Jollibee Pandi, ang pagtatayo ng isang sangay ng Jollibee ay hindi basta basta. At sa suporta na ipinakita at ibinigay ng Pamahalaang Bayan ng Pandi sa pamumuno ni Mayor Roque — ang dating sumisilip lang, ngayon ay nandito na.
“Kapag ang isang bayan ay mayroon nang sangay ng Jollibee, ito ang nagiging simbolo na umaangat na ang ekonomiya ng naturang bayan. Papasok na ang mga investors at mamumuhunan at magtutuloy-tuloy na ang pag-asenso ng bayan ng Pandi,” ani pa ni Ramos.
Inaasahan na matatapos ang konstraksyon at nakatakdang buksan ang Jollibee Pandi bago magpasko.
“At ito ang magiging pangako ko sa mga Pandieño, sa unang araw ng pormal na pagbubukas ng Jollibee Pandi, sagot ko ang Jollibee spaghetti ng 1,000 Pandieño,” pagtatapos ni Mayor Roque. (UnliNews Online)