LUNGSOD NG MALOLOS — “Ang ating lalawigan ay paulit-ulit nating tinatawag na dakila. Ang Bulacan ay duyan ng mga magigiting, ng mga bayani ng makalumang panahon at mga dakilang bayani ng kasalukuyan. Hindi po natin mabibilang ang dahilan kung bakit ang ating lalawigan ay dakila. Kasaysayan lang po ang maaaring makapagsabi nito.”
Ito ang madamdaming mensahe ni Bise Gob. Alexis C. Castro sa pagdiriwang ng Ika-445 Taong Pagkakatatag ng Bulacan na ginanap sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kamakailan.
Sa ngalan ni Gob. Daniel R. Fernando, pinangunahan ni Castro ang paggunita sa anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan sa pamamagitan ng pagtataas ng watawat at pag-aalay ng bulaklak sa harap ng rebulto ni Marcelo H. Del Pilar.
Nagpatuloy ang programa sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center kung saan nagkaroon ng misa at maikling programa na dinaluhan ng mga opisyal, pinuno at empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Binigyang diin din ni Castro ang katotohanan na habang ang kasalukuyang henerasyon ng mga Bulakenyo ay wala sa mga panahong iyon ng kasaysayan, ang mga nakalap at isinulat sa mga aklat ng kasaysayan at ang kasalukuyang mga anekdota ng mga Bulakenyo ay sapat na upang ipagdiwang ang kadakilaan ng lalawigan.
Ang tunay na kasaysayan ng ating lalawigan ay hindi lamang nagmumula sa mga pangyayari o tagpo, hindi lamang sa mga bayani ng ating lahi o mga pambansang alagad ng ibat ibang sining. Ang kasaysayan ng ating lalawigan ay binubuhay mismo ng ating mga kwento bilang mga Bulakenyo. Ang kasaysayan ng Bulacan ay pinapanday ng pinagbuklod na tala ng ating kabayanihan, kwento ng sakripisyo, aral ng katatagan, pagluha, at pagtawa sa gitna ng mga pinakamahirap na kalagayan sa ating buhay, anang bise gobernador.
Samantala, nanumpa naman sa tungkulin ang mga bagong opisyal ng Bulacan Culture and Arts Council sa harap ni Castro kabilang sina Vice Chairman Romeo Dela Rosa, Co-Vice Chairman Demetrio Bajet, Provincial History, Arts, Culture and Tourism Officer Dr. Eliseo S. dela Cruz bilang kalihiman at Honorary Member Board Member na si Bokal Richard A. Roque na kinatawan ni Girl Official Jemimah Magsipoc.
Inilunsad ding muli ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang bagong bihis na Kasaysayan ng Bulacan Mural sa Isidoro Torres Hall sa Gusali ng Kapitolyo kung saan tampok ang mga naging gobernador ng Bulacan na sinundan ng SINEliksik Bulacan Film Showing sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center. (UnliNews Online)