Thursday, February 6, 2025
Amana Water Park
HomeNational NewsP3.2B Housing Loans, napahiram ng Pag-IBIG sa 3,022 Bulakenyo

P3.2B Housing Loans, napahiram ng Pag-IBIG sa 3,022 Bulakenyo

LUNGSOD NG MALOLOS — Nakapagpahiram ang Pagtutulungan sa Kinabukasan: Ikaw, Bangko, Industriya at Gobyerno, na mas kilala na Pag-IBIG Home Mutual Development Fund sa 3,022 mga Bulakenyo ng P3.2 bilyon na halaga ng mga housing loans sa unang anim na buwan ng administrasyong Marcos.

Ayon kay Emmanuel Zosimo Orcine, branch manager ng Pag-IBIG- Baliwag, patunay ito ng mabilis at epektibong proseso ng ahensiya sa pag-aapruba ng mga aplikasyon sa housing loan basta’t kumpleto ang isinusumiteng mga rekisito.

Pinakamalaking bilang ng mga naaprubahan ang housing loan ay mga 583 taga Marilao na aabot sa P655.8 milyon; 435 na taga Santa Maria na nasa P418.8 milyon; 376 na taga San Rafael na nasa P341.6 milyon; 319 na taga Norzagaray na nasa P151.9 milyon at 314 na taga San Jose Del Monte na nasa P389.8 milyon.

Sa Baliwag ay nasa 295 ang naaprubahan ang housing loan na nasa P334.7 milyon; 246 sa Meycauayan na nasa P323 milyon; 154 sa Malolos na nasa P243.6 milyon; 81 sa Guiguinto na nasa P107.8 milyon at 55 sa Calumpit na nasa P93.5 milyon.

May 30 naman na taga Balagtas ang naaprubahan din sa housing loan na aabot sa P36.7 milyon; 20 mula sa Bulakan na nasa P24.3 milyon; tig-19 mula sa Plaridel na nasa P25.3 milyon at Pandi na nasa P15.6 milyon; at tig-12 mula sa Bocaue at Pulilan na nasa P17.9 milyon at P18.9 milyon.

Ilang Bulakenyo rin ang nabigyan ng pagkakataon na makapagpatayo ng sariling bahay sa pamamagitan ng pahiram na pondo ng Pag-IBIG. Halimbawa na rito ang anim na indibidwal sa Paombong na may halagang P8.2 milyon, apat na taga Hagonoy na P5.5 milyon, tatlong taga Obando na nasa P8.7 milyon at dalawang taga-San Ildefonso ang napahiram ng nasa P4.6 milyon ang nahiram.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Orcine na ang halagang napahiram sa mga Bulakenyo para sa housing loan ay bahagi ng nasa P93.3 bilyon na nailabas ng Pag-IBIG noong 2022 para sa nasabing programa.

Patuloy aniyang nagpapahiram ang Pag-IBIG ng Housing Loan na umaabot sa halagang P6 milyon na uubrang bayaran sa loob ng 30 taon na may 6% na interes. Limang klase ng Housing Loan ang uubrang ipahiram ng Pag-IBIG gaya ng konstruksiyon ng mismong bahay, renobasyon o rehabilitasyon, pagtatayo ng bahay at pagbili ng lupa, pagbili ng lupa lamang at ang pagbayad sa naunang housing loan sa pribadong financial institution o ang existing housing loan refinancing.

Kwalipikadong magsumite ng aplikasyon sa housing loan ang sinumang miyembro ng Pag-IBIG na may derechong hulog ng kontribusyon sa nakalipas na 24 na buwan, hindi lalagpas sa 65 na taong gulang sa petsa ng loan application at hindi lalagpas ng 70 taong gulang sa panahon ng loan maturity.

May legal capacity na bumili ng real property sa Pilipinas gaya ng pagkakaroon ng disente at matatag na trabaho at tiyak na hanapbuhaya at walang hindi nabayarang utang sa Pag-IBIG o kinanselang utang dito.

Samantala, hinikayat din ni Orcine ang mga manggagawa na sumasahod ng minimum wage na subukang magkaroon ng sariling bahay sa pamamagitan ng Affordable Housing Loan na may interes na 3% lamang.

Sila ang mga manggagawa na may buwanang sahod na nasa P15 libo kung nagtatrabaho sa Metro Manila at P12 libo kung sa mga lalawigan namamasukan. Isa itong programa ng Pag-IBIG na may sabsidiya ng pamahalaang nasyonal kaya’t nakakapagpahiram ng ganito kababa mula noong 2017.

Sa ilalim ng programang ito, maaaring makahiram mula halagang P580 libo hanggang P750 libo para sa pagbili ng bahay na may laking mula 24 hanggang 32 square meters. Uubrang bayaran ito mula sa halagang P2,445 hanggang P3,162.

Samantala, bukas ang Affordable Housing Loan Program ng Pag-IBIG sa Bulacan partikular sa mga taga- San Jose Del Monte. (UnliNews Online)

Source: PIA Bulacan

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments