Friday, December 13, 2024
Amana Water Park
HomeBulacan UnliNews‘Gat. Marcelo H Del Pilar, gawin nating gabay at tanglaw’ -- Gob....

‘Gat. Marcelo H Del Pilar, gawin nating gabay at tanglaw’ — Gob. Fernando

LUNGSOD NG MALOLOS – Pinangunahan ng Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Atty.. Benjamin C. Abalos Jr. kasama si Gobernador Daniel R. Fernando at Bise-Gobernador Alex Castro sa paggunita ng Ika-173 Guning Taong Pagsilang ni Gat Marcelo H. Del Pilar na ginanap sa Dambanang Marcelo H. Del Pilar sa San Nicolas, Bulakan, Bulacan kamakalawa.

Nakaangkla sa temang “Marcelo H. Del Pilar: Liwanag ng Nakaraan, Tanglaw natin sa Kasalukuyan”, pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Fernando at ng Bise Gob Alexis C. Castro ang pag-aalay ng bulaklak sa harap ng bantayog ni Del Pilar kasama ang Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan, Sangguniang Bayan ng Bulakan, DILG Provincial Director na si Myrvi Apostol-Fabia, mga kinatawan mula sa National Press Club of the Philippines, Bulacan Press Club, Central Luzon Association, Senior Grand Warden, Free and Accepted Masons of the Philippines, PNP-Bulakan, at iba pa.

Bilang panauhing pandangal, ikinintil ni Kalihim Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ng Department of the Interior and Local Government sa mga puso at isipan ng mga Bulakenyo ang mga dakilang katangian ni Del Pilar habang nagbabalik-tanaw sa kanyang mga kabayanihan.

“Kung sinasabi nila na there will always be change, I will tell you this: kung may isang bagay man na talagang hindi magbabago ay ang katangian ng katapangan; ang katangian ng kadakilaan; ang katangian ng pagmamahal; ang katangian ng pakikipagkapwa-tao. Tandaan niyo ‘yan at iyan ang itatanim natin,” ani Abalos.

Ayon naman sa maiksi at matalinhagang mensahe ni Gob. Fernando, sinabi nito na si “Si Gat Marcelo H. Del Pilar na ating pangunahing bayani na may hawak ng titulong Pambansang Bayani, siya ang gawin nating gabay at tanglaw. Ang kanyang kaisipan, paninindigan, at mariing pagtutol sa katiwalian at pag-abuso sa kapangyarihan ay patuloy na nagbibigay inspirasyon sa atin na ipaglaban ang tama at makatarungan.”

Gayundin, inihalintulad ni Fernando ang mga katangian ni Del Pilar sa mga katangian na dapat taglayin ng mga lingkod bayan.

“Nakatuon tayo, hindi sa pansariling-interes kundi sa kapakanan ng higit na nakararami. Kung ating susuriin, ang adhikain ng ating dakilang bayani ay tugma at angkop pa rin sa mga pangangailangan ng ating panahon; ang pagpapalakas ng lokal na pamahalaan; ang pagpapalaganap ng aktibong partisipasyon ng mga mamamayan,” ani Fernando.

Ayon sa Republic Act 11699, ang ika-30 ng Agosto ay ipinagdiriwang din bilang “Araw ng Malayang Pamamahayag” bilang pag-alaala sa kadakilaan ni Del Pilar bilang isang mamamahayag. (Unline News Online)

RELATED ARTICLES

WE ENDORSE

Most Popular

Recent Comments